Walong lalaki, kabilang na rito ang dating barangay tanod at isang sinibak na pulis, na pawang hinihinalang nagtutulak ng ilegal na droga ang napatay, habang anim na iba pa ang naaresto sa serye ng anti-drug operation ng Manila Police District (MPD), sa loob lamang ng siyam na oras, sa iba’t ibang lugar sa Maynila.

Unang napatay ng mga tauhan ng MPD-Station-11 si Danilo Luchaveng, 45, dating barangay tanod, residente ng 565 Lara St., Binondo, Manila, matapos umanong manlaban sa mga umaarestong pulis, dakong 4:35 ng hapon kamakalawa.

Makalipas ang 25 minuto, napatay naman ng mga tauhan ng MPD-Station 8, ang sinibak na pulis na si Floberto “Berting” Tolentino Jr., 61, ng 301 Balimbing St., V. Mapa, Sta. Mesa, Manila.

Nagpanggap umanong poseur buyer si PO2 Gener Paguyo at nakipagtransaksiyon sa kinakasama ni Tolentino na si Madelyn Valencia.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Ngunit bago naibigay ng ginang ang kontrabando sa poseur buyer ay nakita ni Tolentino si Paguyo at kaagad na sumigaw ng, “Putang-ina, pulis yan!” at agad bumunot ng baril.

Kaagad namang tumawag ng back-up si Paguyo at tinangka nilang pasukuin si Tolentino ngunit nagmatigas ito at nanlaban kaya’t napilitan ang mga awtoridad na pagbabarilin ito na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Samantala, dakong 10:45 naman ng gabi kamakalawa nang mapatay ng mga awtoridad si Erwin “Amma” Robles, kilala umanong notoryus drug pusher, nasa hustong gulang, ng 2831 Arellano Avenue-Riverside, Bgy. 754, zone 81, Malate, Manila.

Naaresto naman ng mga pulis sa naturang operasyon ang 16-anyos na babae na out-of-school youth at residente ng Camalig St., Bgy. Palanan, Makati City, nang mahuling nag-iingat ng shabu.

Pagsapit naman ng 12:30 ng madaling araw kahapon napatay ang magkapatid na Albert “Ambet” Aguilar, 52, at Adriano “Daddy” Aguilar Jr., na suspek umano sa pagtutulak.

Tinangka umanong manlaban ng magkapatid nang sila’y inaaresto ng mga awtoridad kaya’t napilitan ang mga pulis na sila’y pagbabarilin.

Pagsapit ng 1:00 ng madaling araw ay sunud-sunod na napatay ng mga awtoridad ng MPD-Station 7 ang tatlong drug suspect na sina Moises “Astig” Canlas, 18; Mathew Buenaventura, 29 at Raymund dela Cruz, 31.

Apat naman na suspek sa ilegal na droga ang naaresto kabilang na rito sina Raymond Marabe, 24, ng 143 Marulas A, Caloocan City; Emil Tolentino, 24, ng Pilar Street, Tondo; Rhodora Guanzon, 21, ng 113 C3 Road, Caloocan City; at Edison Madriaga, 27, ng Katamanan Street, Tondo. (Mary Ann Santiago)