KAY gandang pagmasdan ang limang presidente na nagpakuha ng larawan sa Malacañang kaugnay ng pagpupulong ng National Security Council (NSC) noong Miyerkules. Sila ay sina incumbent Pres. Rodrigo Roa Duterte (RRD), ex-Presidents Fidel V. Ramos, Joseph Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, at Benigno “Noynoy” Aquino III.

Kapuna-puna lang sa larawan ng limang pangulo, nangakangiti ang apat—Mano Digong, FVR, Erap, at GMA, pero hindi nakangiti si Noynoy. Tingnan ninyong mabuti ang litrato nila sa ilang English broadsheet. Iniulat din na hindi kinamayan ni Noynoy si GMA gayong nakangiti ito sa kanya ngunit kinamayan sina Duterte at FVR. Pikon talaga.

Mahalaga ang NCS meeting na dinaluhan ng mga pangulo at ni Vice President Leni Robredo dahil ang tinalakay ay ang seguridad ng bansa at isyu sa West Philippine Sea at South China Sea. Naroroon din ang mga pinuno ng Senado at Kamara, AFP at PNP. Maselan ang usapin sa WPS sapagkat ipinasiya ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na naka-base sa Hague, The Netherlands, na walang legal basis ang nine-dash line ng China na umaangkin sa halos kabuuan ng SCS.

Pinaboran ng PCA ang panig ng PH tungkol sa mga teritoryo nito sa WPS na sinasakop din ng bansa ni Pres. Xi Jinping.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi lumahok ang Beijing sa PCA delibrations at ayaw kilalanin ang desisyon.

Dumating sa ‘Pinas si US State Secretary John Kerry upang mag-courtesy call kay President Rody at makipag-usap tungkol sa EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) na ipinasiya ng Supreme Court na constitutional. Tinalakay din nina Mano Digong at Kerry ang mga seryosong isyu tungkol sa Paris Treaty, Climate Change, at pagkakaloob ng ayuda ni Uncle Sam kay Juan dela Cruz sa paglaban sa krimen at illegal drugs.

Sa pag-uusap, kinumpirma ng dalawa ang “long-lasting relationships” ng ‘Pinas at US. Nakapagtataka lang kung bakit panay ang protesta ng mga militante na umaangking sila’y “makabayan” laban sa pagdating ni Kerry na kumakatawan sa bansang laging tumutulong sa PH kapag may kalamidad, krisis gayong tameme sila sa pagkondena sa China na tahasang kumukubkob sa mga reef, shoal at bank na saklaw ng ating 200-mile Exclusive Economic Zone. Hoy, mga “makabayan”, wala na ang idolo ninyong si Mao Tse Tung, wala na ang Marcos regime, kapitalista na rin ang dinadakila ninyong China, binago na ito ni Deng Shao Ping, at maging ang idolo at bayani ninyong si Joma Sison ay kontra China na.

Alam ba ninyong magkakaloob ng $32 million ayuda ang US sa ‘Pinas para sa paglaban sa mga krimen, illegal drugs at kriminalidad? Ang China ba ay may ganitong ayuda, o itinataboy ang ating mga mangingisda sa Panatag Shoal kung kaya hirap na hirap sila ngayon sa buhay? Gumising sana kaya at matauhan. Wala na ang tinatawag na First Quarter Storm (FQS) na pumaimbulog noong panahon ng diktador na si FM. Iba na ngayon. Wala na ang “mapagpalayang umaga.” Dapat ay “mapagpalang umaga” na.

Bukod pala sa Edca, Paris ClimateTreaty, climate change, atbp, pinag-usapan din nina Digong at Kerry ang kanilang “common love” o hilig sa motorsiklo at hunting. Tiniyak din ni Mano Digong kay Kerry na sa bilateral talks ng ‘Pinas at China, ito ay nakaangkla sa ruling ng arbitral tribunal na nagbabalewala sa expansive territorial claim ng China sa WPS at SCS. Ipinagkaloob ng PCA sa PH ang sovereign rights sa Panganiban (Mischief) reef, Ayungin (Second Thomas) shoal, at Recto (Reed) bank, lahat ay nasa Palawan.

Mapalad pa rin ang Pilipinas kumpara sa ibang mga bansang mula sa Gitnang Silangan at Europe na panay ang suicide bombings. Sa France, sinalakay ng armadong lalaki ang isang simbahan doon at ginilitan ang paring Katoliko na nagmimisa. Sa ating bansa, wala pa naman nito. Layunin ni Pres. Duterte na magkaroon ng kapayapaan sa kapuluan kung kaya nagdeklara siya ng unilateral ceasefire sa CPP-NPA-NDF, MILF, MNLF at sa Lumads, puwera lang sa Abu Sayyaf Group na itinuturing na isang bandidong grupo na ginagamit pa ang relihiyon sa karahasan at pangingidnap! (Bert de Guzman)