Pitumpu’t limang kataong sakay sa isang barkong roll-on/roll-off (RORO) ang nailigtas nitong Martes matapos na isa sa kanila ang humingi ng tulong sa bagong 911 emergency hotline.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nagkaproblema sa makina ang M/V Super Shuttle Ferry 3 habang naglalayag sa Bantayan Island patungong Masbate, Cebu, nitong Martes ng madaling araw.
Ang barko, na pag-aari ng Super Shuttle Ferries, ay kinalululanan ng 48 crew member, 27 pasahero, at iba’t ibang rolling cargo.
Sinabi ng PCG na nakatanggap ng tawag ang Coast Guard Action Center (CGAC) sa Maynila mula sa 911 hotline tungkol sa paghingi ng saklolo ng isang stranded na pasahero ng barko, dakong 4:48 ng umaga.
Ayon sa PCG, agad na ipinarating ang insidente sa Coast Guard District Central Visayas Operation Center, na nakipag-ugnayan sa kapitan ng barko hanggang sa nakomisyon ang M/Tug Meka upang hilahin ang barko.
Dakong 3:00 ng umaga kahapon nang ligtas na dumating sa Ouano Wharf sa Mandaue City, Cebu ang dalawang barko.
Kaugnay nito, hinimok ni PCG Spokesman Commander Armand Balilo ang publiko na gamitin ang 911 sa mga emergency sa dagat.
“Mas OK (911). Medyo mahaba kasi yung PCG hotline na 0917 PCG DOTC,” ani Balilo. (Argyll Cyrus B. Geducos)