MARAMI na akong nadaluhang State of the Nation Address (SONA) noong ako’y kagawad at Speaker ng Mababang Kapulungan at Presidente ng Senado, kapag ipinaliliwanag ng mga pangulo ang kanilang pananaw sa bansa.
Masasabi kong naiiba ang SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sariwa at may isang malakas na karanasan.
Sa kanyang prangkang istilo, inilabas ni Pangulong Duterte ang kanyang pananaw sa mga problema ng bansa at ang kanyang layunin na maiangat ang kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Iba-iba ang reaksiyon ng mga kritiko at nagmamasid sa SONA ng Pangulo, ngunit ibig kong talakayin ang isang bagay na nakaagaw sa aking pansin.
Ito ay ang sinabi niya sa simula na: “Hindi tayo makasusulong kung papayagan natin ang nakaraan na hilahin tayo pabalik.”
Ito rin ang aking pilosopiya sa buhay, na nakita kong angkop sa aking panahon sa pulitika.
Marami sa inyo ang nakakaalam na ako ang naging tampulan ng masasamang kasinungalingan sa buong panahon ko sa pulitika. Tinangka ng mga tao na sirain ang aking reputasyon nang una akong tumakbo bilang Speaker. Inakusahan ako ng mga kalaban at ilang organisasyon sa media na ginagamit ko ang aking posisyon para sa aking negosyo.
Ito ay malinaw na kasinungalingan. Ang katunayan ay nasa listahan na ako ng mga bilyonaryo ng Forbes bago ako pumasok sa pulitika, at naalis ako sa listahan nang ako ay maging mambabatas. Ilang taon matapos ang aking termino, nabalik ako sa listahan, kaya ang pulitika ang nagpahirap sa akin.
Gayunman, inunawa at tinanggap ko ito dahil kaya ako pumasok sa pulitika ay upang magsilbi sa tao. Gusto kong gamitin ang aking karanasan sa paglaban sa kahirapan at pagkakamit ng tagumpay upang mapabuti ang kalagayan ng ating mga kababayan.
Sa kabila ng malupit na laban, nakumbinsi ko ang aking mga kapwa mambabatas na ako ang dapat maging Speaker. Dito ay naging malapit kong kaibigan ang aking pangunahing karibal sa puwesto, ang namayapang si Joker Arroyo.
Ito ay isang mahalagang payo para sa ating lahat, lalo na sa kabataan na nagsisimula pa lamang sa kanilang propesyon—huwag sunugin ang mga tulay.
Naniniwala ako na likas ang kabutihan ng mga tao, ngunit kung minsan ay nakagagawa tayo ng desisyon na maaaring makasakit sa iba. Hindi ako naniniwala na ang isang gumawa ng mali sa akin ay likas na masama.
Noong halalan ng 2010, ako ang paksa ng malisyosong black propaganda, na pawang katha lamang. Iniugnay nila ako sa dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa kabila ng katotohanang hindi kami naging malapit kailanman, sa pulitika man o sa personal na buhay.
Sa katunayan, nang pinag-uusapan ang panguluhan sa Senado ay si Senador Franklin Drilon ang pinili ni GMA. Isa pa, sa ilalim ng aking pamumuno ay sinimulan namin ang imbestigasyon sa ilang anomalya sa administrasyon ni GMA.
Pero hindi ako nagtatanim. Itinuro sa akin ng aking ina na huwag maging mapaghiganti. Noong ialok ni Pangulong Benigno Aquino III at ng Liberal Party na makipagsanib sa Nacionalista Party sa halalan noong 2013, malugod naming tinanggap ito dahil mas mahalaga ang kapakanan ng bansa kaysa sa pansariling nasa.
Ayokong mag-aksaya ng panahon sa mga nakaraang alitan. Naniniwala ako na ang nakaraan ay dapat pagmulan ng aral.
Alalahanin natin at matuto tayo sa kasaysayan, ngunit dapat tayong humakbang pasulong sa halip na mabaon sa nakaraan.
Maganda ang pagkakasabi ni Pangulong Duterte: “Tinitiyak ko sa lahat na wala sa aking sistema ang paghihiganti.” Ito ay mahalagang mensahe at dapat maging senyales sa lahat na hindi dapat magmukmok sa nakaraan, sa halip ay harapin ang mga posibilidad para sa ating mga kababayan. Ang ating trabaho ay magtatag ng magandang kinabukasan para sa ating mga anak. (Manny Villar)