SA halip na Con-Con (Constitutional Convention), nagbago ng isip si Pres. Rodrigo Roa Duterte (RRD) at pumayag na siyang amyendahan ang 1987 Constitution sa pamamagitan ng Con-Ass (Constitutional Assembly). Sa Con-Ass, babaguhin ang unitary-presidential form of government para maging federal-parliamentary form o pederalismo.

Nakumbinsi ng mga mambabatas, kaalyado at advisers si Mano Digong upang ang Con-Ass na lamang ang gamitin sa pagsususog ng Saligang Batas sapagkat matipid ito kumpara sa Con-Con na gagastusan ng P6 hanggang P7 bilyon.

Sinabi ni Speaker Pantaleon Alvarez na nagbago ng isip si RRD nang malamang masyadong mahal at magastos ang Con-Con matapos makipag-usap kina Senate Pres. Koko Pimentel, Budget Sec. Benjamin Diokno at iba pang mga mambabatas.

Inihayag ito ng Pangulo sa pulong ng National Security Council (NSC) na ginanap sa Malacañang.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa Con-Con, maghahalal ang mga rehiyon ng mga kinatawan o delegado na mag-aaral sa mga susog sa Constitution.

Magastos ito. Sa Con-Ass, ang Kongreso (Senado at Kamara) ay magtitipon o magpupulong upang sila ang magmungkahi ng mga susog na sa dakong huli ay isasailalim sa isang referendum o plebisito upang ang taumbayan ang magpatibay.

Pinawi ni Speaker Alvarez ang pangamba ng mga Pinoy na baka raw mga personal interes ng mga mambabatas ang kanilang uunahin sa pag-aamyenda sa Konstitusyon. “Do not worry. Under the leadership of Pres. Duterte, your fears on the Con-Ass will disappear. We are committed to do it for the country.” Wala raw gastos ang pamahalaan sa Con-Ass sapagkat ang mga kasapi ng Kongreso ang magtatrabaho rito. Ang gastos lang daw ay para sa massive information drive para malaman ng mga mamamayan kung bakit kailangang baguhin ang Saligang Batas.

Ang pulong ng NSC na pinangunahan ni Pres. Rody ay tumagal nang mahigit limang oras. Dinaluhan ito nina ex-Presidents Fidel V. Ramos, Joseph Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, at Benigno “Noynoy” Aquino III. Dahil masyado raw seryoso ang mga tinalakay na isyu sa NSC, pinagaan ni Mano Digong ang atmospera ng kaseryosohan ng pulong sa pamamagitan ng pagbibiro.

Isa raw sa joke ng pangulo, ayon kay DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II, ay nang balingan niya si VP Leni Robredo at sinabing katabi niya ang “very beautiful” vice president ng bansa. Kilalang palahanga ang machong presidente sa magagandang dilag. Tungkol naman kina GMA at Noynoy, sinabi ni Aguirre na “Hindi sila nagbatian o nag-usap.”

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Ralph Recto, naipamalas ng presidente ang kanyang comedian’s gift o pagiging komedyante sa pamamagitan ng pagsisingit ng biro sa seryosong usapan. Hindi nabanggit kung ano ba ang iba pang mga biro. “The president shifted from serious to comical during the meeting,” pahayag ng ginoo ni Rep. Vilma Santos, dating governor ng Batangas, at sa showbiz ay tinaguriang “Star of All Seasons”.

Hindi ba ninyo napupuna, sina Mano Digong at Gen. Bato (PNP Chief Ronald dela Rosa) ay parehong palabiro, pero parehong macho laban sa ilegal na droga at kriminalidad? (Bert de Guzman)