Naging madugo ang pag-aasaran ng isang mag-tiyahin makaraang mapikon ang tiyahin at saksakin ang kanyang pamangkin habang nagbibiruan sila tungkol sa ilegal na droga sa Tondo, Maynila, nitong Linggo ng gabi.

Ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center dahil sa isang tama ng saksak sa tagiliran si Lester Miguel, 20, ng 3129 Hermosa Street, Tondo, Manila habang tumakas naman ang suspek na si Rose Marie Rubio, 28, kapitbahay ng biktima.

Sa ulat ni Supt. Alex Daniel, hepe ng Manila Police District (MPD)-Station 7, nabatid na nangyari ang krimen dakong 6:30 ng gabi sa bahay ni Miguel.

Nauna rito, kagigising lang umano ni Miguel at nakaupo sa kalapit na sari-sari store nang lapitan ng kanyang tiyahin at sabihang, “’Eto na ‘yung nagbebenta ng droga.”

National

VP Sara Duterte, binisita si Ex-VP Leni Robredo sa Naga

Ikinainis naman umano ng biktima ang pang-aasar ng tiyahin at sumagot ng, “’Di bale, ikaw naman ‘yung source (ng droga).”

Napikon umano si Rubio at nagsumbong sa kanilang Lolo Boy, na kaagad naman umanong pinagalitan ang biktima, na hindi naman pinansin ng huli.

Lingid sa kanilang kaalaman, kumuha ng kutsilyo si Rubio at tinarakan sa tagiliran ang pamangkin bago tumakas.

(Mary Ann Santiago)