Sumugod kahapon ang isang grupo ng mga guro sa Department of Education (DepEd) upang ihatid ang nilagdaang petisyon na humihimok kay Secretary Leonor Briones na ipatigil ang implementasyon ng kautusan na nag-oobliga sa kanila na gumawa ng anila’y pabigat na lesson logs araw-araw.
Dinala ng mga kasapi ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ang petisyon na nilagdaan ng kanilang mga miyembro sa DepEd Office sa Pasig City. Hinihiling ng nasabing petisyon kay Briones na bawiin ang DepEd Order No. 42 s. of 2016 o ang “Policy Guidelines on Daily Lesson Preparation for the K to 12 Basic Education Program” na inilabas ni dating Secretary Armin Luistro noong Hunyo.
Sinabi ni TDC National Chairperson Benjo Basas na iniabot nila ang nilagdaang petisyon sa Office of the Secretary at tinanggap ito ni Chief of Staff Atty. Nepomuceno Malaluan dahil nasa pulong ng gabinete si Briones. Nagkaroon din ang mga kasapi ng TDC ng mahabang diskusyon kasama ang ilang opisyal ng DepEd kabilang na si DepEd Asst. Secretary Jesus Mateo at dininig ng magkabilang panig ang ilang suliranin ng mga guro.
“We have stated our bases for opposing the Order and we also presented our alternatives. However, they said they would immediately discuss those with the Secretary for her action,” sabi ni Basas.
Noong nakaraang linggo, hinimok ng TDC ang mga kasapi nito at iba pang guro sa pampublikong paaralan na lumagda sa petisyon laban sa pagpapatupad ng DO No. 42.
Kabilang sa mga binanggit nilang dahilan para ipatigil ang implementasyon nito ay ang sinasabing kakulangan ng pagsasanay sa mga guro dahil inilabas lamang ang kautusan noong Hunyo 17 o apat na araw matapos magsimula ang klase para sa SY 2016-2017.
Idinagdag pa ng TDC na nagiging pabigat ang DO No. 42 sa mga guro, na ang ilan ay nagkakasakit at naospital “due to exhaustion and extreme fatigue” habang isang guro sa lalawigan ang diumano’y nagpakamatay dahil dito.
(Merlina Hernando-Malipot)