KAHIT na ano ang sabihin ng sinuman, mistulang nagawak ang inilalatag na usapang pangkapayapaan ng administrasyon at ng Communist Party of the Philippines (CPP) nang bawiin ni Presidente Duterte ang ipinatupad niyang unilateral ceasefire; pagpapatigil ito ng operasyon ng militar laban sa mga New People’s Army (NPA), ang sandatahang elemento ng CPP.
Ang pagpapatupad kaagad ng naturang tigil-putukan na iniutos ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ay isa sanang higanteng hakbang tungo sa pagtatamo ng kapayapaan sa buong bansa, lalo na sa mga lugar na pinamumugaran ng mga naghahasik ng karahasan. Subalit ito ay mistulang nilabag ng mga rebelde nang tambangan nila ang military men sa Kapalong, Davao del Sur—kang lugar na kanugnog pa naman ng lalawigan ng Pangulo. Hindi ba ito isang insulto at paglapastangan sa utos ng Pangulo?
Dapat lamang asahan ang panggagalaiti ng Pangulo sa mistulang pagkutya ng mga rebelde sa nasabing utos. Sa isang pahayag, walang kagatul-gatol niyang iniutos sa militar at sa lahat ng security forces na ipagpatuloy ang kanilang operasyon upang durugin ang mga pagbabanta sa pambansang seguridad, pangalagaan ang mamamayan, ipatupad ang mga batas, at panatilihin ang katahimikan sa buong kapuluan. Kasunod ito ng pagtatapos ng ultimatum sa mga rebelde.
Taliwas naman ito sa paninindigan ni Jose Maria Sison, ang founding chairman ng CPP na mula sa Utrecht, the Netherlands. Mistulang ipinanggalaiti rin niya ang pagbibigay ni Duterte ng ultimatum sa kanilang grupo. Tinagurian pa niya ang Pangulo bilang isang “bully” at “thuggish”. Hindi ba ang ibig sabihin nito ay mananakot at butangero? At idinugtong pa “if he does not want peace, so be it”.
Naniniwala ako na ang pagpapalitan ng matitinding pananaw ng Pangulo at ng lider ng CPP ay bunga lamang ng pagkakabiglaan. Naaaninaw pa rin ang kanilang maalab na hangaring matamo ang pangmatagalang kapayapaan, hindi lamang sa Mindanao kundi sa lahat ng sulok ng bansa. Totoo, ang hinahanapan natin ng solusyon ay problema sa tunay na digmaan na nagaganap sa loob ng maraming dekada.
Walang dapat sayanging pagkakataon upang ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan hindi lamang sa pagitan ng gobyerno at CPP kundi maging sa lahat ng sektor ng rebelde. Marapat magkaharap-harap sa negotiating table ang kinauukulang mga awtoridad upang hindi tuluyang umilap ang minimithi nating katahimikan. (Celo Lagmay)