Handa na uling makipag-usap ang pamahalaang Duterte sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), matapos maharap sa ‘word war’ ang magkabilang panig, sanhi ng pagkakabawi sa unilateral ceasefire ng gobyerno.
Matapos amining hindi madali ang peace negotiations, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa na uli siya sa peace talk, kung saan muli umanong pag-aaralan ang pagdedeklara ng panibagong tigil-putukan.
“Maybe we did not understand each other and so the best way really is to talk again and find out whether it is reachable or beyond our reach,” ayon sa Pangulo. “I hope we can proceed with the talks with the Communist Party of the Philippines,” dagdag pa nito.
Magugunita na binawi ng Pangulo ang idineklara nitong ceasefire kamakailan matapos na hindi tumugon ang CPP-NPA, kung saan nakabigat pa sa isyu ang pagtambang ng rebelde sa mga sundalo sa Davao del Norte.
Sa reaksyon naman ni NDF leader Joma Sison, sinabi niya na ‘butangero’ ang Pangulo at mahirap umanong makipag-usap dito.
Matapos ang mahaba-habang patutsadahan, puwede na uli sa peace talk ang gobyerno. (Genalyn Kabiling)