PINASINAYAAN na at binendisyunan ang bagong kumbento ng Saint Clement Parish sa Angono, Rizal.
Ang pasinaya at blessing ng bagong kumbento na may tatlong palapag ay ginanap noong Hulyo 30. Pinangunahan ni Bishop Gabriel Reyes, ng Diocese ng Antipolo, ang isang thanksgiving at concelebrated mass kasama sina Fr. Roy Crucero, kura paroko ng St. Clement Parish, ng assistant parish priest, at ni Fr. Joselito Santos, secretary ng Bishop ng Antipolo.
Sa kanyang homily, sinabi niya na ginawa ang kumbento bilang tahanan ng mga lingkod sa parokya. Hindi para sa ikapupuri ng kura paroko kundi para sa Diyos at sa mga taga-Angono.
Sa bahagi naman ng pahayag ni Bishop Reyes, 2013 nang magpunta siya sa parokya ni San Clemente para sa pagpapasinayan ng Adoration Chapel. Noon niya sinabi kay Fr. Crucero na ipagawa ang kumbento. Sa gayon, may maayos na mapagpapahingahan ang parish priest at mga kasama nito. Natutuwa si Bishop Reyes na nagawa na ang bagong kumbento ng parokya ni San Clemente. Pinasalamatan niya ang mga taga-Angono at ang iba pang nagkaloob ng tulong at suporta.
Ayon naman kay Fr. Crucero, masaya siyang ginabayan ng Diyos ang pagpapagawa sa kumbento, sa malaking tulong, suporta at pagiging generous ng mga taga-Angono at iba pang may puso sa pagtulong. May nagbigay ng mga bakal at iba pang materyales. Malaking tulong din ang dalawang fund-raising na inilunsad ng parokya.
Ipinaabot ni Fr. Crucero ang kanyang tapat na pasasalamat sa mga taga-Angono at sa lahat ng tumulong, kasama na si Fr. Joselito Santos, secretary ni Bishop Reyes, na tumulong sa approval ng Bishop ng Diocese ng Antipolo.
Binanggit pa ni Fr. Roy Crucero kay Bishop Gabriel Reyes na noong 2014 ay napalitan ng mga bagong upuan ang simbahan ng parokya ni San Clemente. Maayos na nagagamit at pinakikinabangan ng mga parishioner kung may iba’t ibang gawain sa loob ng simbahan. Nabanggit pa ni Fr. Crucero na maayos na silang makapagpapahinga at makatutulog.
Ang bagong kumbento ay kalapit ng gusali ng Formation Center ng parokya. Lumuwag ang tabi ng simbahan at naging maaliwalas. Setyembre 2015 nang sinimulan ang konstruksiyon ng kumbento, na natapos noong Hulyo 2016. Dumalo sa pasinaya at blessing ang mga parishioner at iba’t ibang miyenbro ng religious organization ng parokya.
Ganito ang bahagi ng panalangin ni Bishop Reyes sa blessing ng bagong kumbento: “Amang makapangyarihan, pagpalain Mo ang kumbentong ito. Nawa’y magkaroon dito ng kalusugan, kalinisan, pagwawagi laban sa kasalanan, pagkakaisa at pagmamahal, at kabutihang-loob. Buong pagtalima sa Iyong banal na kalooban at pagpapasalamat sa Diyos, Ama, Anak at Ispiritu Santo. Manatili ang Iyong pagpapala sa tahanang ito at sa mga taong mananahan dito sa pamamagitan ni Hesukristong aming Panginoon. Amen.” (Clemen Bautista)