SISIMULAN ngayong unang araw ng Agosto ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Pangungunahan ito ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Tulad nang dati, ang selebrasyon ay laging may temang binibigyang-halaga at kahulugan. Ngayong 2016, ang paksa ng Buwan ng Wika ay, “ANG WIKANG FILIPINO: WIKA NG KARUNUNGAN”.
Sa nakalipas na mga panahon, ang pagpapahalaga sa wika noon ay isang linggo lamang. Tinatawag itong Linggo ng Wika.
Ang pagdiriwang ay alinsunod sa Presidential Proclamation No.186 noong Setyembre 23, 1955 na nilagdaan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay. Nagsisimula tuwing Agosto 13 at natatapos ng Agosto 19 na kaarawan ni Pangulong Manuel L. Quezon na kinikilalang “Ama ng Wikang Pambansa”. Sa pahayag noon ni Pangulong Magsaysay, sinabi niya na ang tunay na nalalabi sa atin ay ang magkaisa sa pagpapalaganap at pagpapayaman ng Wikang Pambansa. Kung gaano natin kailangan ang Ingles sa pakikipag-unawaan sa ibang bansa ay ibayo ang sariling wika upang tayong mga Pilipino ay ganap na magkaunawaan at magkaisa tungo sa ikatatatag ng sarili at ikadadakila ng ating Inang Bayan.
Nang sumapit ang panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos, tulak ng nasyonalismo o pagka-makabayan, nilagdaan ni Pangulong FVR ang Ececutive Order No.1011 noong Hulyo 13, 1997. Ang ginawang iyon ni Pangulong Ramos ay ipinagpapatuloy ni dating Pangulong Erap Estrada. Sa kanyang talumpati at pagsasalita sa iba’t ibang pagkakataon sa iniibig nating Pilipinas, ay ginamit ni dating Pangulong Estrada ang atiing sariling wika.
Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wiika ngayong Agosto 2016, ang Komisyon sa Wikang Filipino ay may inihandang mga gawain.
Ang unang araw ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay sisimulan sa Mabini Hall ng Malacañang. Kasunod nito ang inagurasyon o pasinaya ng Bulwagang Pangwika ng KWF.
Sa Agosto 3-5, tampok sa pagdiriwang ang Pambansang Kongreso sa Intelektuwalisasyon sa Wikang Filipino. Dadaluhan ng mga guro sa Filipino at ito’y gagawin sa Baguio City. Sa Agosto 19, bahagi pa rin ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ang KWF Gabi ng Gawad. Pararangalan sa UP Bahay ng Alumni ang mga nagwagi sa iba’t ibang timpalak at ang mga napiling Ulirang Guro sa Filipino.
Bahagi rin ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa Agosto 15 ay ang selebrasyon ng “Silver Anniversary” ng pagkakatatag ng KWF.
Ang dating pangalan ng KWF ay Institute of National Language na mas kilala sa tawag na Surian ng Wikang Pilipino. Ang pagkakatatag ng Surian ng Wikang Pambansa ay batay sa batas ng Komonwelt Blg. 184 na pinagtibay ng Batasang Bansa noong Noyembre 13, 1936. (Clemen Bautista)