Nabaril at napatay ng mga tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang isang motorcycle rider na inaresto umano sa pagkakasangkot sa aksidente matapos umanong manlaban at mang-agaw ng baril sa loob ng mobile patrol car sa Makati City, kahapon ng umaga.
Ang unang araw sana sa trabaho ang siyang huling araw ng buhay ni John Dela Riarte, 27, dahil sa tinamong apat na tama ng bala ng baril sa leeg, dibdib at beywang.
Sa inisyal na ulat ng HPG, pasado 9:00 ng umaga, sakay si Dela Riarte ng kanyang bisikleta patungo sa kanyang trabaho nang bigla umano siyang bumangga sa isang kotse sa south bound lane sa EDSA-Estrella, Makati City.
Agad rumesponde sa lugar sina PO2 Jonjie Manon-og at PO3 Jeremiah De Villa, kasama ang tatlong traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na naabutan pa si Dela Riarte na galit na galit na hinahampas ng helmet ang likurang bahagi ng nakabanggang kotse kaya’t agad siyang inawat.
Sa halip na huminto sa pagwawala, pinagbantaan umano ni Dela Riarte ang awtoridad na babarilin niya ang mga ito.
Base sa naging pahayag ng isang testigo, sa kainitan ng pagtatalo ay sinuntok umano sa sikmura si Dela Riarte ng isang HPG, inaresto at pinosasan hanggang sa dalhin sa loob ng police car.
Lalo umanong naging agresibo si Dela Riarte hanggang sa suntukin umano nito si PO2 Manon-og at tinangkang agawin ang baril nito dahilan upang tuluyang barilin si Dela Riarte ni PO3 De Villa.
Hindi naman makapaniwala ang mga kaanak ng biktima nang mabalitaan ang pangyayari na itinuring umano nilang “over kill” lalo na’t traffic violation lang naman umano ang pinag-ugatan ng insidente. (Bella Gamotea)