TUNGKOL sa struggling young couple na sina Anj at Niño ang How To Be Yours (Star Cinema) na pinagbibidahan nina Bea Alonzo at Gerald Anderson. Chandelier salesman si Niño at cook si Anj na agad nagkagustuhan sa unang pagkikita pa lang nila.
Wala silang malalaking problema sa buhay, panay maliliit na conflict lang na natambak nang natambak hanggang sa bumigat nang bumigat at hindi na nila nakayanan.
Tulad ng kanyang ibinibentang produkto, nagsilbing tanglaw si Niño ni Anj na kulang ang tiwala sa sarili. Pero mas makabubuti yata kung kakain muna ang mga manonood bago pumasok sa sinehan, para hindi magutom sa napakaraming lulutuin ni Bea.
Kasabay ng transformation sa insecure at naging mahusay na cook, pagiging chef, at pagkakaroon ng sariling restaurant ay unti-unti namang napupundi si Niño na hinahanap na ang dating personality ng girlfriend na walang self-confidence at laging maraming oras para sa kanya.
Maayos ang script ng How To Be Yours at ang pagkaka-execute ni Direk Dan Villegas. Napatunayan niya sa pelikulang ito na puwede ring maging insightful ang romantic comedy. Patatawanin, pakikiligin, paiiyakin at pag-iisipin ng pelikulang ito ang audience.
Siguradong maninibago ang younger audience dahil thinking movie pala ito, pero tiyak namang mag-i-enjoy ang couples na seryoso na sa buhay o gusto nang lumagay sa tahimik o may pamilya na. Muntik na itong maging seryosong pelikula, pero hindi pa rin pumayag si Direk Dan.
Natimpla niya nang husto ang lahat ng ingredients ng How To Be Yours, kaya malinamnam ang kinalabasan.
Maikukumpara ang pagkakagawa ng pelikula sa inilulutong bulalo na lalong lumalabas ang sarap o linamnam habang unti-unting pinapalambot sa mahinang apoy.
Sa acting department, lalo pang napatunayan ni Bea Alonzo sa How To Be Yours na siya ngang talaga ang movie queen ng henerasyong ito. Wala talagang tatalo sa utmost sincerity ni Bea sa bawat role na ginagampanan niya. Katunayan, may mga eksenang pilay na pilay dahil nilalamon niya nang buung-buo ang acting ni Gerald. Pinung-pino nang gumanap si Bea, samantalang may rough edges pa si Gerald.
Pero very minor flaw ito sa kabuuan ng pelikula.
May ilang rebyu na nagbigay ng limang star dito, pero babawasan namin ito ng kalahati. A room for improvement, lalo na sa parte ni Gerald.
Sa pangkalahatan, hindi malulugi ang sinumang manonood nito. (DINDO M. BALARES)