BALER, Aurora - Dahil sa kawalan ng sapat na merito, dinismis ng Office of the Ombudsman ang kasong graft laban kay incumbent Baler Mayor Nelianto Bihasa at sa 11 pang lokal na opisyal matapos mapatunayang walang nilabag na batas ang mga ito kaugnay ng misappropriation sa pondo ng Sangguniang Bayan dalawang taon na ang nakalipas.
Batay sa 12-pahinang resolusyon ng Ombudsman, pinawalang-bisa nito ang mga kasong graft laban kina Bihasa, incumbent Councilors Noel Go, Gina Ritual, Reynaldo Mapindan, Felipe Friginal, at Ramil Duaso; mga dating konsehal na sina Pedro Valenzuela, Danilo Ong, Gina Agapito, at Meinando Tropicales; gayundin sina Francisco Reopta, municipal budget officer; at Curie Bernardino, human resource person.
Ang dismissal order ay nilagdaan ng graft investigator na si Esther Veloso-Legaspi, ni-review ni Adoracion Agrada at inaprubahan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Abril 29, 2015 nang ihain ni dating Vice Mayor Karen Angara-Ularan sa Ombudsman ang 15-pahinang reklamo na nag-akusa ng pagda-divert ng pondo ng Sangguniang Bayan para bayaran umano ang suweldo ng job order employees.
Tinalo ni Bihasa si Ularan sa eleksiyon noong Mayo 2016. (Light A. Nolasco)