Ni AARON RECUENCO

Makikipagpulong ang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang mga katapat sa Malaysia at Indonesia para palakasin ang security operation upang maiwasan ang mga pagdukot ng Abu Sayyaf Group (ASG).

Sinabi ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa na inaasahan niya ang pagdating sa Pilipinas ng mga kinatawan ng police forces ng dalawang bansa upang isapinal ang kasunduan sa seguridad sa mga hangganan ng tatlong bansa.

“They will come here, we will have memorandum of understanding to sign,” ani dela Rosa.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Naging sakit ng ulo ang pagdudukot ng mga Abu Sayyaf nitong mga nakalipas na buwan sa mga Malaysian at Indonesian, partikular na sa mga crew ng cargo vessels.

Matapos dukutin ay dinadala ng ASG ang mga bihag sa Sulu o Basilan at pakakawalan lamang kapag nagbayad ng ransom.

Inamin ni Dela Rosa na ang problema ng kidnapping sa katimogan ng bansa ang isa sa mga naging pangunahing isyu na tinalakay kasama ang kanyang mga katapat na Indonesian at Malaysian, bukod sa problema sa illegal na droga, sa taunang pagpupulong ng mga hepe ng pulisya ng magkakatabing bansa sa Southeast Asia sa Kuala Lumpur.

“We had bilateral meetings with our counterparts, we discussed cooperation that could be done which include the problem in the South which is also a direct concern of Malaysia and Indonesia,” sabi ni dela Rosa.

Ngayon Agosto, inasahan ni dela Rosa na makakapulong ang mga opisyal ng Malaysia at Indonesia upang talakayin ang lawak ng kooperasyon upang masupil ang mga pagdukot sa bahagi ng Mindanao.

“There are just some minor issues that are being resolved before it is finalized,” dagdag niya.

Sinasabing ang Southern backdoor ay isa sa mga pangunahing ruta ng smuggling at human trafficking, at inamin ng mga awtoridad na nahihirapan sila sa lugar dahil maraming lagusan sa hangganan.

Kamakailan ay tinalakay ng tatlong bansa ang pagpapalawak ng kooperasyon upang mapalakas ang seguridad sa tri-border.