Humiling si dating Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima na makabiyahe sa labas ng bansa.

Sa tatlong pahinang mosyon na inihain ni Purisima sa 6th Division ng Sandiganbayan, hiniling nito na makapunta sa United States mula Setyembre 5 hanggang 27 upang mabisita ang anak na si Jason Arvi Purisima, na nag-aaral sa Culinary Institute of America sa St. Helena, California.

Binanggit niya na Marso ng taong ito ay nagpa-book siya ng ticket, kasama ang kanyang pamilya, para sa nasabing biyahe bago pa man maisampa sa hukuman ang kasong graft noong Mayo.

“Section 6, Article III of the 1987 Philippine Constitution provides that the right of every individuals to travel shall not be impaired except in the interest of national security, public safety or public health,” idiniin ni Purisima sa kanyang mosyon.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Sinabi ni Purisima na handa siyang maglagak ng travel bond alinsunod sa itatakda ng hukuman bilang isa sa mga kondisyon para pagbigyan ang kanyang kahilingan. Tiniyak din niyang babalik siya ng Pilipinas.

Si Purisima ay may standing hold departure order (HDO) sa kasong graft kaugnay sa diumano’y maanomalyang gun license delivery service contract noong 2011.

Kahit may HDO ay maaari siyang makabiyahe palabas ng bansa kapag pinahintulutan ng korte. (ROMMEL P. TABBAD)