Kasabay ng planong pagtatayo ng malalaking rehabilitation center sa iba’t ibang lugar sa bansa, nagbabalak si Pangulong Rodrigo Duterte na ilagay ang malalala nang drug dependent sa mga barracks na may matataas na pader na pinalilibutan ng wire sa loob ng mga kampo militar.

Sa pagtaas ng bilang ng mga suspek sa droga na sumusuko sa mga awtoridad, sinabi ng Pangulo na mayroong malalaking reservations ang militar na pansamantalang paglalagyan sa malalalang drug dependent para sa kanilang sariling proteksyon at kaligtasan na rin ng publiko.

“We cannot build a nation by killing people over the bodies your fellow citizens but I’ll have to control. So ‘yung sira na, you have to check with them if they are talagang ma-resuscitate pa, ‘ika nga. Lagay na lang natin sila diyan,” sabi ng Pangulo sa pagtitipon ng local government units sa Malacañang noong Miyerkules ng gabi.

“Yung recalcitrants or those guys na ayaw talagang magpakulong or are no longer of service to humanity because they are -- padala na lang natin doon,” dagdag niya.

National

Bam Aquino sa girian sa politika: 'Taumbayan na naman naiipit!'

Sinabi ng Pangulo na ang “compulsory confinement” ng drug dependents ay katulad sa pagkukulong sa baliw.

“We don‘t need any legal basis. The legal basis is we take him in for his own protection. That is why we are allowed to arrest insane people for compulsory confinement. Why? It is to protect him from harm and to protect the public,” aniya.

Mahigit 114,000 suspek sa droga na ang sumuko sa pulisya simula Hulyo 1 sa ilalim ng kampanya ng gobyerno na walisin ang illegal drug trade sa bansa. Mahigit 2,700 katao na rin ang naaresto sa diumano’y pagkakasangkot sa droga.

(Genalyn Kabiling)