MAY mga mungkahi si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) na talagang ikinatuwa ko dahil ang ilan ay parang hinulma sa mga kolum na inilathala ko sa panahon noong nagdaang kampanya.

Ang aking kagalakan ay hindi umuugat sa pansariling pagbubuhat ng bangko bagkus ay dahil ang mga naging mungkahi ko noon pa, ay umakyat na sa antas ng panawagan bilang susi sa tukoy na solusyon sa matagal nang nakabuyangyang na mga problema. Isang seryosong “ama ng bayan” lamang ang maaaring makapuna sa listahan ng mga suliranin, sabay siya na rin ang magpapatupad ng mga kasagutan nito.

Wika nga, nagawa at gawa. Nasanay na siguro tayo sa mga payasong kandidato na puro dakdak, bulaklaking hangarin, at binuburdang tangka, kaya lang laging napapako ang pangako. Ibang uri ang kasalukuyang Pamahalaan.

Salamat Presidente Duterte sa pagpirma sa FOI (Freedom of Information); pagsasakatuparan sa Mindanao Railway System; pagbigay-pansin sa Laguna de Bay para sa maliliit na mangingisda na dati, puro mayayaman at “pulitiko” ang libreng nakikinabang; ang pagpapalakas sa pamahalaang telebisyon na PTV; ang pagluwal sa kamalayan na kailangan na ng Pilipinas maging industriyalisadong bansa. Kung magugunita, ang nakaraang mga panguluhan nagbigay bigat sa sektor ng agrikultura at lupang agraryo bilang suhay sa pambansang kaunlaran.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Laging nakaliligtaan ang pangangailangan ng pagpaparami ng mga pabrika na gagawa ng iba pang pabrika. Mga pagawaan na ang mga produkto ay siento-por-sientong gawa ng Pilipino. Ito ang naging pormula ng Japan pagkatapos ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig Ng South Korea, na nangopya sa mga produkto ng Japan. At ngayon, China naman ang mahilig mangopya ng mga produkto sa mas murang halaga, halimbawa kotse, motorsiklo, atbp. Napansin din ni “Digong” ang isa pa sa pinakamalaking balakid sa ating pag-usad—ang smuggling! Siya na mismo ang nagbulgar na P300M ang talo araw-araw sa ating buwis mula sa mga daungang bayan.

Ang siste, mura nga ang mga bilihin sa Divisoria atbp. dahil nga sa kadalasan “smuggled” mula China.

Nakalusot sa pagbayad ng tumpak na buwis. Tuloy, yumayaman hindi ang Pilipinas, kundi China, mga tiwaling ahente ng Customs, at mga mandurugas na negoyanteng Tsinoy na sumasakal sa Wholesale/Retail Industry ng Pilipinas.

(Erik Espina)