SAGAMIHARA, Japan (Reuters) – Patay ang 19 katao at 26 ang nasugatan nang manaksak ang isang lalaki sa isang pasilidad para sa mga may kapansanan sa central Japan noong Martes ng umaga.
Kusang sumuko sa mga pulis ang suspek na si Satoshi Uematsu, 26, dating empleyado ng pasilidad sa Sagamihara, Kanagawa Prefecture, may 40 kilometro ang layo mula sa timog kanluran ng Tokyo, sinabi ng isang opisyal ng gobyerno sa news conference ng public broadcaster na NHK.
Iniulat ng Kyodo news agency na ang mga namatay ay nasa edad 18 hanggang 70 at kinabibilangan ng siyam na lalaki at 10 babae.
Dakong 2:30 ng umaga nang tumawag ang mga staff sa pulisya at iniulat ang tungkol sa lalaki na armado ng patalim na nasa bakuran ng Tsukui Yamayuri-En facility, ulat ng media.
Ang 3-ektaryang pasilidad, itinayo ng lokal na pamahalaan sa mapunong pampang ng Sagami River, ay nag-aaruga sa mga taong may iba’t ibang kapansanan. Mayroon itong maximum capacity na 160 katao, kabilang ang staff. Karaniwan itong nakakandado sa gabi ngunit nakapasok ang lalaki matapos basagin ang bintana ng gusali.
Narekober ng mga pulis ang isang bag na may mga lamang patalim, isa ang may mantsa ng dugo. Iniimbestigahan pa ang posibleng motibo sa masaker.
Iniulat ng Asahi Shimbun na sinabi ng suspek sa pulisya na: “I want to get rid of the disabled from this world.” Ayon naman sa ibang ulat, nagtanim ng galit ang suspek matapos tanggalin sa kanyang trabaho sa pasilidad.