Tapos na ang maliligayang araw ng isang umano’y illegal recruiter nang mabitag sa entrapment operation ng Criminal Investigastion and Detection Group(CIDG) sa Trinoma, Edsa, Quezon City, iniulat kahapon.
Ang suspek ay kinilala ni Chief Inspector Mar de Guia, hepe ng CIDG-Presidential Task Force Against Illegal Recruitment (CIDG-PTFAIR), na si Antonio Toca Jr., 42, ng Aim High International Placement Agency.
Ayon kay Crispin Hernane, tubong Manukan, Zamboaga del Norte, nabatid niya na wanted ang suspek sa kasong illegal recruitment ng Aim High International Placement Agency kaya agad niya ipinagbigay-alam sa mga kasamahan.
Ayon kay Janet Lopez, isa sa mga nabiktima ni Toca, ibinenta umano ng kanyang magulang ang kanilang kalabaw maibigay lamang ang hinihinging pera ng suspek na ang kapalit ay makapagtrabaho sa Canada bilang food attendant.
Ayon pa kay Lopez, marami sa kanila ang nawalan ng hanap-buhay at nakapangutang nang malaki sa pag-asang sila’y makakaalis ng bansa.
Hindi itinanggi ng suspek ang mga sumbong ng mga biktima, ngunit tiniyak nito na makakaalis ng bansa ang mga biktima kapag dumating umano ang employer mula sa Canada. (Fer Taboy)