MATAPOS maudlot ng dalawang araw, tuluyan nang nakalaya si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo (PGMA) nitong Hulyo 22 sa kanyang pagkaka-hospital arrest ng may apat na taon sa Veterans Memorial Hospital sa Quezon City.

Nakalaya ang dating Pangulo at ngayon ay Congresswoman ng Pampanga matapos ibasura ng Korte Suprema ang kaso niyang plunder na may kaugnayan sa umano’y maling paggastos sa P366-milyon pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ibinasura ng Korte Suprema ang plunder case kay PGMA na isinampa sa Sandiganbayan dahil sa kawalan ng ebidensiya. Sa desisyon, naabsuwelto ang dating Pangulo kaya agad iniutos na palayain siya. Hindi na rin maaaring mag-file ng motion for reconsideration ang mga tagausig ng gobyerno, gaya ng isa sa mga balak ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales matapos mabatid ang paglaya ni PGMA.

Sa botohan ng mga miyembro ng Korte Suprema sa pagpapalaya sa dating Pangulo, 11 ang pabor at apat ang kontra na pawang may kanya-kanyang dissenting opinion. Bukod kay dating PGMA, napawalang-sala rin sa kaso si Benigno Aguas, dating PCSO budget and accounts manager.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Pinaboran ng Korte Suprema ang petisyon para sa demurrer to evidence, isang kahilingan na ibasura ang kaso na iniharap kay dating PGMA, dahil sa mahinang ebidensiya. Ang petisyon ay iniharap ni Atty. Estelito Mendoza sa Sandiganbayan noong 2014. Hindi pinakinggan ang kahilingan, kaya dinala sa Korte Suprema. Sa pagpapawalang-sala kay dating PGMA, sinabi ni Mendoza na masaya ang dating Pangulo sapagkat mahinahon nitong dinanas ang ganitong kaso.

Matagal na itong nagsakripisyo at naghintay sa pagdating ng araw ng paglaya.

Marami ang nagbigay ng reaksiyon sa pagpapawalang-sala kay PGMA. Ayon kay Atty. Raul Lambino, isa sa mga abogado ng dating Pangulo, mula sa umpisa ay wala namang matibay na ebidensiya sa kaso kaya marapat lamang na palayain ang dating Pangulo. Ang paghaharap ng kaso ay mga pagtatangka ng aniya’y tiwali at walang kakayahang administrasyong Aquino na gustong pagtakpan ang kawalan ng nagagawa sa panggigipit sa mga kalaban sa pulitika.

Ayon naman kay dating Pangulong Fidel V. Ramos, magandang pangyayari ang desisyon ng Supreme Court sapagkat wala nang dating Pangulo na bilanggo. Pabiro pa niyang idinugtong, “Sana hindi ako ang susunod na makulong. Malinis naman ang ilong ko.” Sa pahayag naman ni mismong dating PGMA, nagpasalamat siya sa Diyos at sa Korte Suprema na sa wakas ay natapos na ang limang taong pag-uusig. Nagpasalamat din siya sa kanyang mga kababayan sa suporta ng mga ito.

Naniniwala siya na bawat isa ay igagalang at kikilalanin ang katotohanan, at malaki ang pag-asa na wala nang magdurusa sa pag-uusig na naging dahilan ng kanyang paghihirap. (Clemen Bautista)