LOS ANGELES (AP) — Dalawang laro pa lamang ang pinagdadaanan ng U.S. basketball sa pre-Olympic tour, ngunit sapat na ang nakikita ni coach Mike Krzyzewski para sa magiging kampanya ng Americans sa Rio Games sa Agosto 5-21.
Hataw si Kevin Durant – sa ikalawang sunod na laro – sa naiskor na 19 puntos, habang kumana si Klay Thompson ng 17 puntos sa dominanteng 106-57 panalo kontra China nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Nag-ambag si DeMar DeRozan ng 13 puntos at kumubra si DeMarcus Cousins ng 12 puntos at pitong rebound para sa ikalawang sunod na panalo ng US Team sa five-city tour bago sumagupa para idepensa ang korona sa Rio de Janeiro.
“We should have won, but the way we won was excellent,” pahayag ni Krzyzewski. “We’re really growing together as a group.”
Hindi naitago ni Krzyzewski ang pagkakumpiyansa sa katayuan ng Americans sa Rio matapos ang unang panalo sa exhibition game kontra Argentina nitong Biyernes sa Las Vegas.
Sa maigsing panahon nang pagsasama-sama ng mga NBA stars, madaling nagkahulihan ng laro ang isa’t isa.
“We’ve only been together a week, but it seems like we’ve been teammates for years,” pahayag ni DeAndre Jordan, kumana ng 12 puntos at tatlong block.
“I think we’re learning more about one another, and our defense was there pretty much the whole game,” sambit ni Krzyzewski.
Hindi pa natatalo ang Americans sa international tournament mula noong 2006 world championships. Tangan nila ang 47-1 karta sa exhibition mula nang buksan ang pintuan ng liga sa NBA player noong 1992.
Kahit wala sina NBA two-time defending MVP champion Stephen Curry, LeBron James at Kawhi Leonard, isang moog ang US Team.
“We’re young, but we’ve got a bunch of seasoned pros,” pahayag ni Kyrie Irving, kumana ng 10 puntos at apat na assist.