ZAMBOANGA CITY – Nagawang makatakas ng pinakamataas na opisyal ng Abu Sayyaf Group (ASG), kasama ang ilan niyang tauhan, sa dragnet operation ng militar at agad na nagtago sa isa pang teritoryo ng grupong bandido sa Sumisip, Basilan.

Kinumpirma ni dating Tipo-Tipo, Basilan Mayor Joel Maturan na nakatakas si Isnilon Hapilon sa tuluy-tuloy na opensiba ng miltar laban sa Abu Sayyaf, na tinaguriang “focused military operations.”

Kasabay nito, kinumpirma rin ni Maturan na kritikal ngayon ang lagay ni Furuji Indama, ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng ASG, makaraang masapol ng shrapnel sa kanang dibdib na tumagos sa likod sa airstrike ng Philippine Air Force (PAF) sa kampo nito kamakailan.

Nakatutok ang opensiba ng militar sa ilang sitio at barangay sa mga bayan ng Al-Barka, Ungkaya Pukan, at Tipo-Tipo, na sinasabing teritoryo ng ASG sa Basilan.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ayon pa kay Maturan, nagkakampo si Hapilon sa kabundukan ng Punu Kawilan at Sikadir sa Al-Barka, habang kontrolado naman ni Indama ang Punu Baguindan.

Dagdag pa ng dating alkalde, mistulang tumalima ang Abu Sayyaf sa panawagan ni Pangulong Duterte sa magkabilang panig na tigilan na ang paglalaban at simulan na ang paghilom ng galit sa kani-kanilang puso.

“The muzzle of guns are now silenced and firing from both the military and the ASG has stop since President Digong issued a call asking the ASG and the military to stop fighting and stop adding the loss of precious lives,” ani Maturan. (NONOY E. LACSON)