Hindi na raw intresado si Senator Alan Peter Cayetano na maging pangulo ng Senado at sa katunayan, ilan sa mga sinasabing supporters nito ay lumagda na para kay Sen. Aqulino ‘Koko’ Pimentel III.

Ayon kay Pimentel, 18 Senador na ang nag-eendorso sa kanya, ang huli ay sina Sens. Joseph Victor “JV” Ejercito, Juan Miguel Zubiri, at Richard Gordon.

Lumagda na rin si Senator Joel Villanueva na kabilang naman sa mga kaalyado ng Liberal Party (LP).

Nauna nang tiniyak ni outgoing Senate President Franklin Drilon na hindi na mababago ang pasya ng mayorya na si Pimentel na ang kanilang pangulo.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Si Drilon ang magiging Senate president pro tempore, habang si Sen. Vicente Sotto III naman ang magiging majority leader.

Sinabi ni Pimentel na nag-usap na sila ni Cayetano at sinabihan siya na iisa lamang ang kanilang kampo.

“Ang sabi ni Senator Alan, we belong to one camp. Lahat kami supportive sa advocacy of the President so magsama-sama po kami. Hindi pa lang nga s’ya nakapirma (sa resolution) at noong tinanong ko siya kung ano ang preferred committee n’ya, sabi n’ya unahin ko daw ‘yung mga kasama n’ya,” ani Pimentel.

Matunog na nakareserba kay Cayetano ang pagiging chairman ng Senate blue ribbon committee.

Si Senator Francis Escudero naman ang sinasabing magiging lider ng minorya batay na rin sa pahayag ni Senator Antonio Trillanes, na nagsabing tiyak niya na dalawa sila ni Escudero sa minorya. (Leonel Abasola)