Hinigpitan ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ang seguridad sa buong tanggapan ng city hall matapos makatanggap ng bomb threat kahapon ng umaga.
Dakong 8:00 ng umaga nang makarating sa Alkalde na mayroon umanong nag-iwan ng bomba sa loob ng opisina ng city hall at agad namang inalarma ang mga security officer para makaiwas sa panganib ang libong empleyado ng tanggapan.
Una rito, nakatanggap umano ng bomb threat, sa pamamagitan ng telepono, ang local city office ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Register of Deeds at City Civil Registry Department.
Agad namang rumesponde sa lugar ang explosives ordinance disposal team ng QCPD at agad ginalugad ang mga opisina sa city hall subalit napag-alaman na pananakot lamang ito.
Gayunman, inatasan pa rin ni Mayor Bautista ang QCPD City Hall Department, Department of Public Order and Safety (DPOS), at civilian security unit na patuloy na higpitan ang seguridad sa city hall.
Nanatiling normal ang operasyon sa nasabing tanggapan. (Jun Fabon)