Pinaniniwalaang sa loob mismo ng New Bilibid Prison (NBP) nag-uugat ang hindi masugpong kalakalan ng ilegal na droga, kaya nagsanib pwersa na ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Corrections (BuCor) at Department of Justice (DOJ) upang wakasan ito.

Kahapon, inilunsad ang all-out war laban sa droga sa loob mismo ng Bilibid, kung saan sinelyuhan ang piitan ng 320 miyembro ng PNP Special Action Force (SAF) na pinamumunuan ni Chief Supt. Benjamin Lusad.

Inalis ang buong BuCor custodial force para sumailalim sa retraining at reeducation.

Pinangunahan nina Justice Sec. Vitaliano Aguirre, PNP chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa, BuCor OIC Rolando Asuncion at incoming BuCor Director Marine Major General Alexander Balutan ang seremonya sa pagpapalit ng puwersa sa Bilibid.

Dating miyembro ng Davao Death Squad na si Edgar Matobato, sumuko na sa ICC?

Tinawag ni Aguirre na ‘pinakamaruming ahensya’ ng pamahalaan ang NBP, at ang SAF ang lilinis dito.

“We will temporarily relieve BuCor guards, employees and other officials because we know that many of them have already been tainted with corruption with the huge money from the drug lords. Because of their discipline, competence and reliability, the SAF are the best to be deployed in NBP,” ani Aguirre, kung saan dalawa hanggang tatlong buwan umano ang ilalagi ng SAF sa Bilibid.

Pagkatapos ng kanilang tour of duty, pwersa ng Philippine Marines naman umano ang papalit sa kanila.

Drug lords, lumpuhin

Ang kanilang misyon lumpuhin ang drug lords sa loob ng NBP na gumagamit lang ng cellphones, nakakapag-deal na ng droga hanggang 75 porsiyento sa buong bansa.

Nanggagaling umano sa Mainland China ang ilegal na droga na niluluto sa kalagitnaan ng dagat . Itinatapon sa dagat ang drug shipment na may GPS, na siya namang nire-retrieve ng drug lords sa Pilipinas.

Upang mawalan na ng komunikasyon ang mga drug lord na nasa Bilibid, lalagyan ng P10 milyong halaga ng cellphone jammer ang piitan. Gagamit na rin ng x-ray machines para mabusisi ang mga bibisita sa loob.

Pera o buhay?

Sinabi ni Aguirre na madaling makorap ang BuCor personnel. Binibiyan ng P10,000 hanggang P13,000 kada buwan ang mga ito at kapag tumanggi ay papatayin.

“Yung bank account mo, lalagyan nila ng pera, ranging from P100,000 up to P2 million to P5 million ‘pag hindi mo tinanggap ‘yun, ibig sabihin hindi ka nila kaisa,” ani Aguirre, umano’y halaga para naman sa mas matataas na ranggo sa BuCor.

Building 14

Sa Building 14 ng Bilibid, isa umanong assassin ang binayaran ng P50 milyon para paslangin si Aguirre.

Una nang sinabi ni Dela Rosa na mayroon ngang P50 milyong offer para paslangin siya at si Pangulong Rodrigo Duterte noong kumakandidato pa lamang ang huli.

Sa nasabing gusali na may maximum security nakapiit ang big time drug lords na sina Peter Co at Herbert Colangco, at Jayvee Sebastian na lider ng Commando Gang.

Don’t let me down

—Bato

Sa kanyang panig, sinabi ni Dela Rosa sa PNP-SAF na binibigyan sila ni Pangulong Duterte ng anim na buwan upang resolbahin ang problema sa krimen, droga at korapsyon.

Mga drug lords na nakapiit sa Bilibid pa rin umano ang nagpapaikot ng droga sa bansa. “Please don’t let me down.

Don’t let the President down. Don’t let the Filipino people down,” bilin ni Dela Rosa sa PNP-SAF.

(Jonathan Hicap at Beth Camia )