STO. TOMAS, Isabela – Iniimbestigahan ngayon ang tatlong operatiba ng Sto. Tomas Police sa Isabela matapos silang ituro bilang suspek sa pananambang at pagpatay sa isang barangay chairman at sa ilang miyembro ng pamilya nito sa Barangay Caniogan Abajo Sur sa Sto. Tomas, nitong Hulyo 15.

Ayon sa report ng Police Regional Office (PRO)-2 sa Tuguegarao City, Cagayan, isinailalim na sa imbestigasyon sina PO3 Rogelio Cataggatan, PO1 Claramito Bibat, at PO1 Arnie Agabin, pawang nakatalaga sa Sto. Tomas Police.

Ang tatlong pulis ang itinuro ng mga saksi bilang suspek sa pag-ambush sa pamilya ni Montano Zipagan, 60, chairman ng Bgy. Caiogan Abajo Sur. Bukod kay Zipagan, tatlo pang kaanak niya ang nasawi, habang nakaligtas naman ang asawa at apo niya.

Ang misis ng chairman, si Benita Zipagan, at anak nitong babae ang nagturo sa tatlong pulis bilang suspek sa krimen.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sinabi naman ni Insp. Randy Tulinao, deputy chief of police sa Sto. Tomas, na labis silang nasorpresa sa pagkakasangkot sa tatlo nilang tauhan, dahil kasama pa nila si Agabin nang mangyari ang ambush.

“Nagulat talaga kami, bakit sila nakasama? Kung kinakailangan na kami sa PNP ay mag-isyu ng statement, gagawin namin para sa kanila. Testigo kami na sila ay narito nang mangyari ang krimen,” sinabi ni Tulinao sa panayam ng Balita.

Matatandaang umabot sa 100 bala ang tumama sa sasakyan ng pamilya ni Zipagan hanggang sa magliyab ito. Nasawi ang chairman gayundin ang anak niyang si Joylin Mabbayad, 23; apo na si Jelaine Zipagan, 8; at pamangking si Aira Shane Zipagan, 12 anyos. (LIEZLE BASA IÑIGO)