UMAGANG umaga’t Lunes na Lunes, mainit ang ulo ng driver ng pampasaherong jeep na nasakyan ni Boy Commute sa pagpasok niya sa trabaho.

Kitang-kita sa malapad na rear view mirror kung gaano kaasim ang mukha ni “Mamang Driver” na balagbag ang pananalita tuwing magtatanong sa pasahero kung saan ang destinasyon.

Matagal magbigay ng sukli, parang pilit pa kung iabot ang barya.

Masungit, ang pangit!

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Pero lalong umusok ang ilong ni Mamang Driver nang sumitsit ang isang pasahero nang parahin ang sasakyan.

“Ssiiiit! Ssiiit! Para! Para!” ura-uradang sinabi ng pasahero na nagmamadaling bumaba ng jeepney na ‘tila may hinahabol.

Sa pag-iskiyerda ng pasahero, sabay bitaw ni Mamang Driver: “Kung makasitsit parang aso ang kausap ‘nung hayop na ‘yun! Madapa ka sana!”

Hindi pa rito nagtatapos ang pagkabuwisit ng umaga ni Mamang Driver, na sa tantiya ni Boy Commute ay nasa edad 60 na.

Sa paglagpas sa ilang bloke, may malakas na tunog na bumulabog sa halos lahat ng sakay sa jeep.

Bog! Bog! Bog! “Mama, para!!!”

Ito na naman ang isa pang pasahero na sinusuntok ang lawanit na kisame ng jeep sa pagpara sa sasakyan.

Bukod sa nagising ang mga pupungas-pungas na pasahero, halos bumagsak din ang kisame dahil sa lakas ng palo.

Dito na pumutok ang butse ng driver, sabay sigaw: “Hoy! ‘Wag mo’ng gibain ‘tong sasakyan ko! Buwiset!”

Nakagugulat at nakalulungkot. Sa mga nangyayaring ganito, madadama natin na wala nang paggalang ang Pinoy sa kapwa nito.

Wala nang courtesy, wala pang respeto.

Hindi lamang sa pagtrato sa mga driver at konduktor ng mga pampublikong sasakyan, ngunit halos sa lahat ng sulok ay bihira ka nang makakita ng mga Pinoy na magalang sa kanilang kapwa.

Sa pag-abot ng sukli sa pasahero, wala ka nang naririnig na pasalamat sa driver.

Sa pagbaba ng sasakyan, wala ring kahit “thank you” man lang dahil naihatid siya sa pupuntahan nang matiwasay at ligtas.

Ang mas masaklap pa rito, wala na rin tayong naririnig na “po” at “opo”, na mga katagang natatanging Pinoy.

Hindi ba masarap pakinggan ang bawat pahayag na may “po” at “opo”?

Bakit nawawala na ang mga ito?

Habang malalim ang pagmumuni-muni ni Boy Commute, isang batang estudyante na nakaupo sa dulo ng jeepney ang biglang nagsabi: “Mister Driver, parah na powz!”

Malakas ang punto niyang “pa-wurz wurz” na halatang Inglesero si Totoy.

Subalit maraming pasahero ang napangiti sa pagpapakita ng paggalang ng makisig na estudyante.

Maging si Mamang Driver ay napangiti. Tuloy, nabisto na wala pala siyang ngipin! (ARIS R. ILAGAN)