Sa kabila ng naganap na bigong kudeta sa Turkey, hindi pa nag-iisyu ng deployment ban ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Sa isang text message, sinabi ni POEA Administrator Hans Cacdac na naghihintay pa sila ng rekomendasyon mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) bago aksyunan ang posibilidad ng deployment ban sa nasabing lugar.

“We are coordinating with DFA on this matter,” ayon kay Cacdac. 

Sa ilalim ng security alert level protocol ng pamahalaan, mapagbabawalan lang ng POEA ang overseas Filipino workers (OFW) na bumiyahe sa isang lugar kapag nakapag-isyu na ng crisis alert level 2 o 3 ang DFA.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Magugunita na naganap ang military coup sa Turkey noong Biyernes, ngunit hindi ito nagtagumpay. Gayunpaman, daan-daang katao rin ang nasawi at nasugatan.

Sa kasalukuyan, umaayos na ang political situation sa nasabing bansa, kung saan ligtas naman sa kapahamakan ang tinatayang 3,500 Filipinos doon.

Pinapayuhan pa rin ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Rebecca Calzado ang mga Pinoy sa Turkey na iwasan munang lumabas sa mga pampublikong lugar.

“We ask our kababayans and OFWs in Turkey to continue to keep safe. Though our Philippine embassy has said that tensions have somehow eased a bit, the situation there has not completely normalized yet,” ayon kay Calzado. - Samuel Medenilla