Ni GENALYN D. KABILING

Hindi na kailangan pang gumimik at magbenta ng ilegal na droga ang mga pulis kung magigipit ang kanilang pamilya sapagkat handa si Pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng financial assistance sa mga mangangailangan.

“’Yung mga pulis, pati military, alam ko maliit ang sweldo ninyo, kaya kung may mga ganung sakit, God forbid ‘yung asawa mo mag(ka) cancer ganun, huwag lang magbenta ng shabu, pumunta ka sa akin,” ani Duterte sa kanyang pahayag sa Davao Police Station noong Sabado.

“Sabihin mo sa superior down-down the line ‘Sir, pakisabi lang kay mayor, na asawa ko nasa kuwan,’ I will look for the money. Alam ko na hirap talaga,” dagdag pa nito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi ni Duterte na maghahanap siya ng pondo para sa mga uniformed personnel na mangangailangan, daan upang hindi na mangotong pa ang mga ito, o kaya’y magbenta ng shabu para magkapera.

Inilahad din ng Pangulo na noong siya pa ang alkalde ng Davao City, tumatakbo umano ang mga pulis sa kanya tuwing nahaharap sa problema sa pera.

“Kung may problema kayong malaki ‘di talaga kaya ng bulsa, huwag magbenta ng shabu punta kayo sakin, hanap ako ng pera,” pag-uulit ng Pangulo.

Resign na

Hinimok din ni Duterte ang mga pulis at militar na magbitiw na lang sa pwesto kung masasangkot lang ang mga ito sa krimen. Ito ay sapagkat hindi umano sasantuhin ng gobyerno ang mga nakaunipormeng kriminal.

“I cannot run with a corrupt police and the corrupt military. Kaya kayong mga pulis na andiyan sa droga you make a choice. Resign, and do not wait for my action, nakikiusap  ako sa inyo,” ani Duterte.

Mahirap ka? 'Di pa rin ubra ang droga

Hindi dahilan ang kahirapan upang masangkot sa krimen at wasakin ang buhay ng iba.

Ito naman ang pahayag ng Pangulo sa mga taong nagsasabing “dahil sa kahirapan kaya sila nasangkot sa krimen.”

“’Kasi mahirap lang kami’ that is not an excuse to me. Huwag mong damayan ang Republika ng Pilipinas just because mahirap ka, puro dito mga bleeding hearts — human rights, mga mahirap,” sermon ng Pangulo, kung saan kalokohan umano ang ganitong dahilan.