Dalawang lalaki, ang isa ay estudyante, ang nasawi nang mahagip ng truck ang kinalululanan nilang motorsiklo, sa magkahiwalay na aksidente na naganap sa lungsod ng Maynila, iniulat kahapon.

Kinilala ang mga biktimang sina Reynaldo Tolentino, 59, ng 1844 Zamora St., Pandacan, Manila, at si Anthony Nardo, 15, ng 481 Dandan St., Tondo, Manila.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Vehicle Traffic Investigation Section, nabatid na unang nasawi si Nardo, dakong 3:37 ng madaling-araw kamakalawa, sa Honorio Lopez St., Tondo.

Ayon sa saksi na si Edroel Cabuan, 30, mekaniko, ng 432 Esguerra St., Tondo, Manila, sakay ng Yamaha Mio (2370-UY) ang mga biktima nang mahagip ng kasalubong nitong trak (AFA-7300), na minamaneho ni Rolando Vallinas, 34, ng Barangay Pulo, Cabuyao, Laguna.

Internasyonal

Madir ng empleyadong namatay dahil ‘overworked’ kinalampag ang boss, ‘di nagpunta sa funeral

Sumemplang ang motorsiklo at tumilapon ang mga biktima na nagresulta ng pinsala sa ulo at katawan ng mga biktima.

Isinugod pa umano sa ospital si Nardo ngunit idineklara na itong dead-on-arrival.

Samantala, dakong 3:45 naman ng hapon ng nasabi ring araw nang masawi si Tolentino sa southbound lane ng San Marcelino St., malapit sa kanto ng United Nations Avenue sa Ermita, Manila, nang mahagip naman ng traktora na minamaneho ni Jerick Diaz, 35, ng San Jose del Monte, Bulacan.

Sina Vallinas at Diaz ay kapwa nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide. (Mary Ann Santiago)