Apat na tama ng bala ang tumapos sa buhay ng isang drug suspect nang manlaban sa mga awtoridad na umaresto sa kanya sa isang buy-bust operation sa Tondo, Manila, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot ang suspek na kinilala sa alyas na “Akmad”, tinatayang nasa edad 30-35, may taas na 5’7”, katamtaman ang laki ng pangangatawan, at nakasuot ng berdeng t-shirt at asul na shorts.

Batay sa ulat ni SPO2 Charles John Duran, imbestigador ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), nangyari ang insidente dakong 4:30 ng madaling- araw sa Isla Puting Bato Road, sa pagitan ng Gola Gate at Delpan Gate, Pier 2, Tondo.

Umaktong poseur buyer si PO2 Raymund Boco at nakipag-ugnayan kay Akmad at nagkunwaring bibili ng shabu.

National

OVP, nagpaliwanag hinggil sa 'casual meeting' nina VP Sara at Ex-VP Leni sa Naga

Sa kalagitnaan ng transaksiyon ay nakahalata na umano ang suspek na pulis si Boco kaya’t bumunot ito ng baril.

Agad din namang bumunot ng baril si Boco nang maramdamang nasa panganib na ang kanyang buhay, at agad na binaril ang suspek.

Ngunit kahit sugatan na, tinangka pa rin umanong barilin ni Akmad si Boco ngunit nakailag ang huli, at muling pinaputukan ang suspek na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Narekober ng mga awtoridad mula kay Akmad ang isang .38 kalibreng baril, na walang serial number at dalawang plastic sachet ng shabu. (Mary Ann Santiago)