Paghihiganti ang isa sa mga motibong sinisilip ng awtoridad sa pagkamatay ng 43-anyos na police asset matapos barilin ng dalawang hindi nakilalang salarin na magkaangkas sa motorsiklo sa Parañaque City nitong Miyerkules ng gabi.

Dead on the spot ang biktimang si Roberto Frias, alyas Bong, residente ng Peru St., Bgy. Don Bosco, ng nasabing lungsod, sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo at katawan buhat sa hindi batid na kalibre ng baril.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong 8:20 ng gabi nang matagpuan ang wala nang buhay na biktima sa Peru St., Bgy. Don Bosco.

Unang nakarinig ng tatlong putok ng baril sa tapat ng isang tindahan ang kinakasama ng biktima na si Marilou Cabaccan hanggang sa matagpuang malamig ng bangkay ang kanyang live-in partner.

House Sergeant-at-Arms kay VP Sara: 'Pinagbigyan pero sumobra!'

Sa nakalap na impormasyon ni Inspector Allan Roillos, Deputy Commander ng Police Community Precinct (PCP), bandang hapon pa lang ay inabangan na ng mga salarin ang biktima.

Hinala ni Cabaccan, niresbakan si Frias ng mga drug pusher na isinuplong ng biktima sa awtoridad.

Lumitaw na kabilang umano sina Frias at Cabbacan sa mga sumuko sa mga pulis sa pinaigting na Oplan Tokhang noong nakaraang linggo.

Sinusuri ng awtoridad ang CCTV sa lugar na posibleng makatulong sa pagtukoy sa mga salarin. (Bella Gamotea)