Bumuo ng task force ang Commission on Human Rights (CHR) na mag-iimbestiga sa extrajudicial killings matapos ang walang humpay na pagbulagta sa kalye ng mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga.
Ang Task Force EJK (Extra Judicial Killings) ay sisilip sa mga insidente ng pagbulagta ng halos 89 katao, karamihan sa kanila ay mga sangkot umano sa droga at ang iba naman ay hinihinalang holdaper at isnatser, ayon kay CHR Commissioner Gwen Gana.
Kaugnay nito, sinabi ni Gana na dapat ring bigyan ng pansin ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng pagkilos ng vigilante group sa nagaganap na summary executions.
Sa Senado, pormal namang inihain ni Senator Leila de Lima ang reolusyon na naglalayong imbestigahan ang sunod-sunod na patayan .
Ayon kay De Lima, nakakabahala na ito dahil sa loob lamang ng ilang linggo ay aabot na sa mahigit isandaang katao ang napapaslang na karamihan ay sa kamay mismo ng mga pulis habang ang iba naman ay natatagpuan ng bangkay na may mga nakasabit na karatula.
Aniya, layunin ng kanyang isusulong na imbestigasyon ang pagkakaroon ng lehislatura na may respeto sa karapatang-pantao ng mga indibidwal na nasasangkot sa krimen.
Nilinaw pa ni De Lima na hindi siya tutol sa kampanya laban sa droga, sa halip ay nais lamang niya na magkaroon ng respeto sa karapatang pantao. (Leonel Abasola)