Sa halip na itumba ang mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, iginiit ni Vice President Leni Robredo na mas mabuting kasuhan na lang sila at parusahan kapag napatunayang guilty.
“If there is really culpability, then justice requires that appropriate cases be filed and that those proven to be accountable be punished,” ayon kay Robredo.
Sumusuporta si Robredo sa walang humpay na kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa droga at krimen, pero iginiit niyang kailangang manaig ang rule of law.
Naniniwala si Robredo na bilang dating prosecutor, gagawin pa rin ni Pangulong Duterte ang nararapat at tama sa pagsawata sa droga at krimen.
Magugunita na bago pa man maging presidente, ipinangako ni Pangulong Duterte na uubusin niya ang mga drug dealer, gayundin ang mga sangkot sa mga karumal-dumal na krimen.
Batay sa report, simula sa inagurasyon ni Duterte nitong Hunyo 30 ay umaabot na sa 100 katao, na sinasabing sangkot sa droga, ang napatay. (Raymund F. Antonio)