Hinatulang makulong ng Sandiganbayan ang isang dating opisyal ng Department of Agrarian Reform (DAR) kaugnay ng pagtanggap nito ng P100,000 suhol mula sa isang abogado kapalit ng isang desisyong papabor sa isang realty company noong 2001.
Pinatawan si dating Regional Agrarian Reform Adjudicator Napoleon Baguilat ng 5th Division ng anti-graft court ng pagkakakulong ng hanggang anim na taon bukod pa sa multang aabot sa P200,000 at kanselasyon ng retirement benefits at civil service eligibility nito.
Nag-ugat ang kaso matapos mapatunayan ng government prosecutors na tumanggap ng P100,000 si Baguilat mula kay Atty. Miriam Daway, abogado ng isang realty firm, noong Mayo 2001.
Ayon sa hukuman, ang nasabing halaga ay kapalit umano ng pagbibigay ni Baguilat ng desisyong papabor sa isang kaso na inihain at nakabimbin sa tanggapan nito.
“(Baguilat’s) brazen conduct in issuing the aforesaid order and personally accepting the amount of P100,000 is undeniably a clear transgression of the law,” sabi pa ng korte. (ROMMEL P. TABBAD)