WALA pang dalawang linggo sa kanyang panunungkulan, kabi-kabila na ang puna at opinyon kay Pangulong Rodrigo R. Duterte. Ngayon, ‘tila bawat isa ay komentarista sa pulitika.
Gaya ng sinabi ko sa nakaraan, dapat bigyan ng pagkakataon ang bagong Pangulo upang ipatupad ang mga reporma para sa bansa. Ito ang paniwala ko, sinuman ang nakaupong pangulo. Ibinigay ko rin ang buong suporta sa aking karibal sa eleksiyon, si Benigno S. Aquino III, pagkatapos na maiproklama siya bilang ika-15 pangulo ng Republika.
Sa kanyang talumpati noong kanyang inagurasyon, may binanggit si Pangulong Duterte na nakatawag na aking pansin.
Sinabi niya na ang tunay na suliranin na kinakaharap ng sambayanang Pilipino ay ang “pagguho ng pananalig at tiwala sa pamahalaan.”
Buong-buo ang pagsang-ayon ko rito. Dahil sa kawalang-tiwala, ibinibintang natin sa pamahalaan ang lahat ng problema ng lipunan, kahit ang mga problemang kaya naman nating lutasin sa ating sariling komunidad. Inaasahan natin ang pamahalaan na ibigay sa atin ang lahat ng pangangailangan, at nagrereklamo tayo kapag naramdaman natin na hindi nito ginagawa ang pananagutan.
Ngayon, ang tingin natin sa pamahalaan ay walang kakayahan at abusado. Ngunit kung totoo man na may ilang opisyal na napatunayang gumawa ng ganitong mga bagay, gusto kong banggitin ang sinabi ng bagong Pangulo sa kanyang talumpati:
“Kahit ang pinakamalakas na pinuno ay hindi magtatagumpay kung walang suporta at kooperasyon ang mga tao na kanyang pinangungunahan at pinaglilingkuran.”
Kailangan nating gawin ang ating bahagi. Kailangang magkaisa ang mga Pilipino sa isang layunin—magandang kinabukasan para sa bansa. Hindi man tayo pare-pareho ng inihalal, hindi ba lahat tayo ay naghahangad na malutas ang problema sa trapiko, ang ilegal na droga, ang kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao, at ang pagpapabuti ng serbisyo ng pamahalaan?
Kapansin-pansin ang kapayakan ng bagong Pangulo. Dumalo siya sa ika-69 na anibersaryo ng Philippine Air Force na nakabarong at ang mga manggas ay nakalupi, at pantalong maong. Pinuna ito ng mga kritiko na parang hindi bagay sa isang pangulo. Sa aking pananaw, naghalal tayo ng pangulo hindi dahil sa marunong magsuot ng amerikana kundi dahil kaya niyang lutasin ang ating mga problema.
Agad binansagan ng media ang kasuotan ni Pangulong Duterte na “Maong Tagalog.” Sa kaugnay na bagay, nagbabala si Speaker Pantaleon Alvarez sa mga kagawad ng Mababang Kapulungan na huwag tratuhin na parang “fashion circus” ang State of the Nation Address (SONA), kundi isang okasyon na mag-uulat ang Punong Ehekutibo sa bansa.
Itinigil din ni Pangulong Duterte ang paggamit ng pribadong eroplano at sa halip ay bumiyahe sa pangkaraniwang economy flight sa Davao noong nakaraang linggo.
Binanggit sa akin ng aking anak na si Mark na sa isang pulong ng Gabinete, binalaan ni Pangulong Duterte ang mga opisyal ng pamahalaan na tanggihan ang anumang special treatment. Totoo naman ito, dahil ang pamahalaan ay hindi isang korporasyon kundi isang Republika ng Mamamayan ng Pilipinas.
Para sa akin, ang pinakamaliwanag na palatandaan ng kasimplehan ng bagong Pangulo ay ang diretso at simpleng pananalita na ginagamit niya upang sabihin ang kanyang saloobin.
Ito ang aking mga obserbasyon sa bagong Pangulo. Ngunit ang kanyang mantra na “darating ang pagbabago” ay tumutukoy hindi lamang sa maliliit na bagay kundi sa marami nating kumplikadong problema. Bigyan natin siya ng pagkakataon at panahon, na magsagawa ng pagbabago. (Manny Villar)