PETISYONG mandamus ang isinampa namin ni Atty. Ramon A. Matignas, Jr. sa Korte Suprema laban sa National Police Commission (NAPOLCOM) at Philippine National Police (PNP) kaugnay ng mga araw-araw na pagpatay ng mga pulis sa mga umano’y sangkot sa ilegal na droga. Layunin ng petisyon ang atasan ang PNP na i-report nito ang lahat ng pagpaslang sa hanay ng NAPOLCOM upang imbestigahan ang mga ito at gumawa ng kaukulang hakbang. Inoobliga rin nito ang NAPOLCOM na magsagawa ng sarili imbestigasyon sa mga nangyaring patayan kahit walang pormal na reklamo ang kamag-anak ng mga napatay. Pinagbatayan namin ang dalawang naunang kaso na kumuwestiyon sa constitutionality ng secret marshals at crime buster.

Si Atty. Isidro T. Hildawa ang nagsampa ng kaso laban sa secret marshal (G.R. No. 67766, Aug. 14, 1985), ako naman sa crimebuster (G.R. No. 70881, 1985). Dahil sa paglaganap ng krimen sa Metro Manila, partikular na ang pangho-hold up sa mga pasahero ng pampublikong sasakyan, lumikha ng dalawang grupo buhat sa Integrated National Police (INP), ngayon ay PNP, si dating Pangulong Ferdinand Marcos upang sugpuin ito. Nauna niyang pinorma ang “Secret Marshals” pero dahil sa batikos na inabot nito dahil sa walang habas na pagpatay ng mga umano’y kriminal, binuwag niya ito. Hindi nagtagal, binuhay niya ang secret marshal sa ibang pangalan. Tinagurian niya itong “Crime Buster” na mula nang ito ay nilikha, walang araw na nagdaan na walang pinapatay.

Sa dalawang kasong isinampa namin ni Atty. Hildawa, sinabi ng Korte Suprema sa kanyang desisyon na walang masama na maglunsad ng operasyon upang labanan ang paglaganap ng krimen. Tungkulin umano nila ito! Pero, aniya, ang masama sa pagsugpo ng krimen ay mayroon silang pinapatay. Lumalabas kasi na hindi lang sila law enforcer, kundi piskal, hukom at executioner pa. Sa ilalim ng batas, hanggang hindi napapatunayan na nagkasala ang isang tao, siya ay inosente.

Kaya, ang sino mang pumatay ay siyang magpapatunay na ginawa niya ito sa pagdepensa niya sa kanyang sarili, kamag-anak, ibang tao o kaya’y sa pagtupad ng tungkulin. Dahil dito, lahat ng kasong pagpatay ng secret marshal at crimebuster ay iniutos ng Korte na dalhin ng INP sa NAPOLCOM upang maimbestigahan. Kapag nalaman ang pumatay, idedemenda ito at dito niya ihahayag ang kanyang depensa. Ang desisyong ito ng Korte ang nais namin ni Atty. Matignas na ipairal sa mga patayang lumalaganap ngayon sa pamamagitan ng mandamus. (Ric Valmonte)

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika