Unti-unti nang nagiging kumbinsido si Vice President Leni Robredo na magkakaugnay ang lahat ng kaganapan sa kanyang buhay, at may dahilan ang mga ito.

Mula sa kanyang pagkakahalal bilang kinatawan ng Camarines Sur sa Kamara, hanggang sa naging bise presidente siya. At kamakailan, pagkakatalaga sa kanya bilang bagong housing czar ng bansa.

“Yung pagtakbo ko for Congress ay isang moment where you could not explain it but you know you have to do it,” pahayag ni Robredo sa kanyang talumpati sa Christian Life Community Saturday sa Loyola School of Theology sa Ateneo De Manila University, Quezon City.

Dahil sa pananampalataya at paniniwala sa Diyos, sinabi ni Robredo na nahalal siya bilang pangalawang pangulo ng bansa noong Mayo 9, sa kabila ng matinding kakulangan sa pondo.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Kamakailan lang, bigla siyang nakatanggap ng tawag sa telepono mula kay Pangulong Rodrigo Duterte at nakatanggap ng alok na pamunuan ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), kaya naman opisyal na siyang miyembro ng Gabinete ngayon.

Bago ito, ilang beses sinabi ni Duterte na hindi niya pagkakalooban ng puwesto si Robredo dahil ito ay mula sa kalaban na partido at malapit na kaibigan ng Pangulo si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na natalo sa vice presidential race.

“Nung binalikan ko ‘yung offer after the phone call, parang it was full circle for Jesse and me,” ayon sa 52-anyos na biyuda.

Kinikilabutan din si VP Leni nang ikuwento na itinalaga siya sa Gabinete ni Duterte nitong Hulyo 7, habang ang kanyang yumaong asawa na si Jesse Robredo ay iniupo ni noo’y Pangulong Benigno S. Aquino III bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government noong Hulyo 7, 2010.

“Gifts come in mysterious boxes,” sabi ni Robredo sa kanyang maikling mensahe sa grupo.

Inorganisa ng Christian Life Community ang tinaguriang “Pasasalamat at Pagtugon kay VP Leni,” isang misa ng pasasalamat at aktibidad para sa mga miyembro nito.

Namahagi rin ang mga organizer ng mga bookmark na naglalaman ng isang dasal hindi lamang para kay Robredo kundi maging kay Duterte at sa buong bansa. (RAYMUND F. ANTONIO)