Tatlong pinaghihinalaang drug pusher, na biktima ng summary execution, ang natagpuan sa magkakahiwalay na lugar sa Maynila, kamakalawa ng gabi hanggang kahapon ng umaga.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), dakong 9:25 ng umaga nang matagpuan ang unang biktima sa ilalim ng McArthur Bridge, sa harap ng chapel sa Gilio Street sa Sta. Cruz.
Nakabalot ng packaging tape ang mukha ng biktima, nakagapos ang mga kamay sa likod at may nakapatong na cardboard sa katawan na nasusulatan ng “Pusher ako.”
Samantala, magkasunod naman na natagpuan kahapon ng umaga ang dalawa pang bangkay sa Bonifacio Drive sa Port Area, at sa gilid ng Metropolitan Theater sa Lawton.
Kapwa nakatali ang mga kamay ng mga biktima, nakaupo, at nakabalot ng packaging tape nang isilid sa mga balikbayan box. Tulad ng unang biktima, may iniwang karatula sa katawan ng dalawang bangkay na may katagang “Pusher-holdaper ako, ‘wag tularan.”
Hinala ng awtoridad, iisang grupo lang ang may kagagawan sa naturang krimen dahil sa parehong istilo ang ginamit sa paglikida at pagtatapon sa tatlong bangkay.
Sa ngayon ay inaalam na ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga biktima, kung sino ang may kagagawan ng mga krimen, at kung ano ang motibo sa pamamaslang. (Mary Ann Santiago)