PINANGALANAN na ni Pangulong Digong ang limang heneral na ayon sa kanya ay protektor ng mga sangkot sa ilegal na droga. Sina Bernardino Diaz, Joel Pagdilao at Edgardo Tinio ay aktibo pa sa serbisyo, samantalang sina Marcelo Garbo at Vicente Loot ay mga retirado na. Pero, si Loot ay kasalukuyang alkalde ng Daanbantayan, Cebu. Malaking hakbang ito sa pagnanais ng Pangulo na tuparin ang kanyang pangakong sugpuin ang krimen at droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Wala itong pinag-iba sa shame campaign na ginagawa ng alkalde ng Tanauan, Batangas. Para na rin kasing sinabitan ang lima ng karatula na nakasulat na “Ako ay tulak ng droga, huwag ninyo akong pamarisan.”
Narinig natin ang paliwanag ng lima sa paratang sa kanila ng Pangulo. Hindi anila ito totoo at maling impormasyon ang naiparating sa Pangulo. “Pulitika lang ito,” dagdag pa ni Mayor Loot. Pero, ngayon lang tayo nakahalal ng Pangulo na isang abogado mula kay Pangulong Marcos. Sagana pa ito sa karanasan dahil naging piskal, kongresista at matagal na alkalde ng Davao. Nasa kanya ang kaisipang pinatalas ng kanyang pakikipag-ugnayan sa lahat ng elemento ng lipunan, nasa loob man o nasa labas ng gobyerno. Nang paratangan ng Pangulo ang limang heneral sa harap ng publiko, nasa kamay niya ang mga ebidensiya. Hindi pa siya Pangulo, nakalap na ang mga ito ng mga ahente at ahensiya ng gobyerno na ang tungkulin ay nakatuon sa pagsugpo ng ilegal na droga. Hindi naman puwedeng sabihin na hindi niya masusing pinag-aralan ang mga ito dahil ang pinagkunan niya ng lakas ng loob para pangalanan ang mga heneral ay ang paniniwala niyang matibay ang mga ito at puwedeng panindigan. Sabi nga niya, “Itinataya ko rito ang aking posisyon, buhay at karangalan.”
Ganoon pa man ibinigay niya ang kaso ng mga heneral sa National Police Commission (NAPOLCOM) para imbestigahan ito.
Dito mabibigyan ng pagkakataon ang mga heneral para mabusisi ang mga ebidensiyang pinagbabatayan ng Pangulo laban sa kanila. Ang mga kasong ganito ay dapat nililitis na bukas sa publiko. Unang-una, para maiwasan ang takipan at lutuan at ikalawa, kung totoo ang bintang sa mga heneral, dapat malaman ng mamamayan kung gaano kalawak nila naimpluwensiyahan ang pagkalat ng droga. Kung protektor sila, sino ang kanilang pinoproteksiyunan? Ganito dapat nilalabanan ang epedemia ng droga. Inuumpisahan sa pinagmumulan nito at hindi sa pagpatay sa mga dukha na pinapatay sa kanilang mga dampa parang mga daga na pinapasok sa kanilang lungga. Eh, nakikiamot lamang ang mga ito sa mga momo. (Ric Valmonte)