torres copy

Dismayado ang bayan sa ipinamalas na kakayahan ni SEA Games long jumper champion Marestella Torres-Sunang sa huling dalawang kampanya sa Olympics.

Sa ikatlong pagtatangka, ipinangako ng 30-anyos na hindi niya sasayangin ang pagkakataon.

“Nagpapasalamat po ako sa Panginoon at binigyan ako ng kalakasan para muling dalhin ang Pilipinas sa Olympics,” sambit ni Torres.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

“Hindi pa po tapos ang aking misyon, kaya hindi ko po ito sasayangin,” aniya.

Muling sasabak sa quadrennial Games ang 4-time SEAG gold medalist nang malagpasan ang qualifying mark sa natalong 6.72 meter sa ginanap na Kazakhstan National Athletics Championships kamakailan sa Almaty, Kazakhstan.

Sa natalong distansiya, nalampasan niya ang sariling SEA Games record na 6.71 metro.

Natanggap na ng PATAFA ang sertipikasyon sa opisyal na resulta ni Torres-Sunang sa Kazakhstan Open at hihintayin na lamang ng asosasyon ang opisyal na kumpirmasyon ng International Athletics Associations Federation.

“We just received the certified results of the women’s long jump at the Kazakhstan Open and it shows Marestella Torres-Sunang leapt to a distance of 6.72 meters with the wind recorded at +0.8, well below the legal limit of 2.0 meters/second,” pahayag ni Philippine Amateur Track and Field Association President Philip Ella Juico.

Ang IAAF ang magpapadala ng listahan ng mga nakapagkuwalipika sa Sports Entries Committee ng International Olympic Committee (IOC) bago ihayag ang opisyal na mga makakalahok sa bawat event.

Kabuuang tatlong gintong medalya ang maiuuwi ni Torres na namayagpag din sa torneo sa Kyrgyzstan (6.47m) at sa Kosanov Memorial sa Kazakhstan sa naitala na 6.52m. (Angie Oredo)