Itinanggi ng talunang presidential candidate na si Mar Roxas ang naiulat na kaugnayan niya sa limang “narco general” na isinangkot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa operasyon ng ilegal na droga.

Nagdesisyon si Roxas na maglabas ng pahayag matapos siyang putaktihin hindi lamang ng tri-media kundi maging ng mga netizen hinggil sa naturang isyu.

“Despite lacking any basis, the insinuation is that these individuals campaigned for me in the last elections,” pahayag ni Roxas.

Iginiit din ng dating kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) na wala kahit isa sa mga limang police general na naging bahagi ng kanyang pangangampanya sa katatapos na eleksiyon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Aniya, natuldukan na ang kanyang relasyon sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) matapos siyang magbitiw sa DILG noong 2015 upang sumabak sa presidential race.

Ito ay matapos maglabasan sa media report na nakipagpulong si retired Deputy Director General Marcelo Garbo sa mga tauhan ni Roxas sa Novotel Hotel sa Cubao, Quezon City, noong Abril.

Kabilang din sa mga inakusahan ni Duterte na pasok umano sa droga sina retired Chief Supt. Vicente Loot, na ngayo’y alkalde na ng Daanbantayan sa Cebu; Director Joel Pagdilao; Chief Supt. Bernardo Diaz; at Chief Supt. Edgardo Tinio.

Pinag-iingat ni Roxas ang publiko na huwag basta paniwalaan ang mga tsismis na may kinalaman sa pulitika na ipinapaskil sa isang bogus na website, lalo na kung may kaugnayan sa limang aktibo at retiradong police general na tinukoy ni Duterte.

“One thing is certain: there are still those who attempt to smear my name and reputation long after the campaign is done,” giit ni Roxas. (Aaron Recuenco)