NAPAKAGANDA ng plano ng gobyerno sa pagtatayo ng mga mega transportation terminal sa iba’t ibang estratehikong lugar sa Metro Manila.

Layunin ng pagtatayo ng ganitong uri ng mga istruktura na maengganyo ang mamamayan na sumakay na lang sa mga pampublikong sasakyan, sa halip na gamitin ang kanilang private vehicle sa pagpasok sa opisina o eskuwelahan.

Sa mga terminal, nakapila ang mga pampasaherong bus, jeepney, taxi at maging tricycle. Maayos ang kanilang pagkakaparada, maayos din ang pila ng mga pasahero.

Sa ilang terminal, mayroong mga inilagay na upuan o bangko para sa mga pasahero. Andyan din ang mga tindahan ng kung anu-anong pagkain tulad ng siomai, siopao, fishball, banana cue, at iba pa. Sa konting barya, mabubusog ka.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nakapagtataka lang kung bakit sa ibang terminal, kaliwa’t kanan ang paniningil ng mga may-ari sa lupang kinatatayuan ng mga ito. Andyan ang tig-P10 na “toll fee” na sinisingil sa mga dumaraang sasakyan, andyan din ang singil sa pagparada na mas malaki ang bayad.

Sa halip na makaengganyo ng mas maraming pasahero upang tangkilikin ang mga public utility vehicle (PUV), ang kasibaan ng ilang indibiduwal ang nagiging hadlang pa sa layuning ito.

Napadpad na ba kayo sa dating Food Terminal, Inc. (FTI) Complex sa Taguig? Sa gitna nito ay may isang malaking PUV terminal, na rito makakasakay sa mga pampasaherong sasakyan na may ruta sa halos lahat ng sulok ng Metro Manila.

Dito kumukuha ng mga masasakyang jeep, bus, tricycle ang mga residente ng Parañaque, Taguig at maging Makati City.

Ngunit sa pagpasok pa lamang sa terminal, may itinayo nang booth sa bukana at haharangin ang mga sasakyan ng naghahatid ng pasahero.

Sampung piso ang singil sa bawat kotse na magbababa lamang ng pasahero nang ilang segundo at lalabas agad. Hindi ba holdap ‘yan?

Ang mas matindi rito, parang patibong ang lubid at poste na itinayo ng mga sekyu mula sa bukana ng terminal hanggang sa pay parking booth nito.

Kapag naipasok mo na ang sasakyan, wala nang atrasan lalo na kapag umabot ka sa booth na roon nakaabang ang teller para sa bayad na P10.

Hindi uubra ang pakiusapan, hindi rin sila bibigay kahit mo tarayan. Kotse, motorsiklo, jeep, maski ano’ng sasakyan ang madaan sa booth ay walang kawala.

Ngayon, paano ka gaganahan na mag-commute kung ganito ang sasalubong sa iyo tuwing umaga upang ihatid lang ang iyong kapamilya? Wala ba kayong kahit konting konsiderasyon? (ARIS R. ILAGAN)