TIYAK na masasayang ang talento at determinasyon ni Vice President Leni Robredo kung hindi siya itatalaga sa anumang posisyon sa administrasyon ni Pangulong Duterte. Maaari siyang tumulong upang mapag-ibayo ang mga pagsisikap ni Pangulong Duterte na agarang magpatupad ng mga kinakailangang pagbabago upang mapaginhawa ang buhay ng mamamayan, sinabi kamakailan ni Sen. Panfilo Lacson.
Ang pangunahing tungkulin ng Bise Presidente, alinsunod sa ating Konstitusyon, ay ang akuin ang pamumuno sa bansa sakaling pumanaw, magkaroon ng permanenteng kapansanan, masibak sa puwesto, o magbitiw sa tungkulin ang Pangulo ng bansa. Si noon ay Vice President Elpidio Quirino ay naluklok sa panguluhan kasunod ng pagpanaw ni Pangulong Manuel A. Roxas noong 1948. Humalili rin si Vice President Carlos P. Garcia nang masawi sa pagbagsak ng eroplano si Pangulong Ramon Msgsaysay noong 1957. Pinalitan ni Vice President Gloria Macapagal Arroyo bilang presidente si Pangulong Joseph Estrada makaraang ma-impeace ng Korte Suprema ang huli at kalaunan ay bumaba sa puwesto sa kasagsagan ng EDSA 2 noong 2001.
Alinsunod sa Konstitusyon, maaaring italaga ang Bise Presidente bilang miyembro ng gabinete. Si Garcia ay nagsilbing kalihim ng foreign affairs sa administrasyon ni Roxas, si Arroyo ay naging social welfare secretary ni Estrada, si Noli de Castro ay housing development council chief ni Arroyo, at si Jejomar Binay ay housing chief at adviser on OFW concerns ni Pangulong Aquino.
Hinimok ni Senator Lacson ang pagkakaloob ng akmang posisyon sa gobyerno para kay Vice President Robredo matapos sabihin ni Pangulong Duterte na hindi niya ito bibigyan ng puwesto sa kanyang gabinete. May mga mungkahi rin na italaga siya sa National Anti-Poverty Commission, ngunit sinabi ng Pangulo na ang nasabing puwesto ay ibibigay sa inirekomenda ng National Democratic Front.
Nagdaos ng magkahiwalay na inagurasyon nitong Huwebes, Hunyo 30, ang dalawang pinakamatataas na opisyal sa bansa—si Duterte sa Malacañang at si Robredo sa Quezon City Reception House na nagsisilbing tanggapan niya. Sa unang pagkakataon pagkatapos ng halalan noong Mayo 9 ay nagkita sila sa Change of Command ceremony ng Armed Forces of the Philippines sa Camp Aguinaldo noong Hulyo 1. Sa buong panahon ng kampanya, inilahad ni Robredo ang kanyang mga adbokasiya laban sa kahirapan at pabor sa kababaihan, na inasahan niyang isusulong niya sakaling mapanalunan ng kanyang partido, ang Liberal Party, ang panguluhan. Gayunman, si Pangulong Duterte, ng PDP-Laban, ang nanalo nang landslide.
Karapatan ng bagong Presidente na italaga ang sinumang napipisil niya para sa kanyang administrasyon. Ngunit, gaya ng binigyang-diin ni Senator Lacson, malaki ang maitutulong ni Vice President Robredo sa Pangulo sa pagsasakatuparan sa ipinangako ng huli na pagkakalooban ng maayos na buhay ang mahihirap sa bansa. “I have no doubt that VP Leni’s heart is in the right place in this regard,” aniya.