Winalis ni top seed Dale Bernardo ang huling apat na laro, kabilang ang panalo kay No. 2 Stephen Rome Pangilinan sa final round para makopo ang junior title sa 24th Shell National Youth Active Chess Championships Southern Luzon leg nitong weekend sa SM Batangas Event Center.

Nakatabla ni Bernardo si No. 16 Emanuel Van Paler matapos ang nine-round Swiss system tournament, ngunit nakuha ng una ang titulo bunsod ng mas mataas na tiebreak points.

Ginapi ni Bernardo sina Daniel Lopez sa ikaanim na round bago naungusan sina Jesca Docena at Melito Ocsan.

Nakamit naman ng 14-anyos na si Kylen Joy Mordido ng Dasmarinas National High School ang female slot para sa National Finals ng torneo na itinataguyod ng Pilipinas Shell.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Nagwagi naman sina second seed Michael Concio Jr. ng St. Anthony School at Nelson Busa Jr. sa kiddies at seniors divisions, ayon sa pagkakasunod, habang nanguna sina Jerlyn Mae San Diego (kiddies) at Ruth Aubrey De Guzman (seniors) sa female class.