AFTER 11 years, babalik sina Mother Lily at Roselle Monteverde sa China para mag-shooting ng ilang bahagi ng Mano Po 7-Chinoy at this time, makakasama nila ang latest Regal baby na si Richard Yap.
Kung ang mga naunang Mano Po series ay nakasentro ang istorya sa mga babae, ngayon naman ay sa buhay ng isang ama na gagampanan ni Richard.
Nagpasalamat si Richard na sa kanya ini-offer ang movie dahil ilang Mano Po movies na rin pala ang napanood niya, iyong one with Zsa Zsa Padilla na “Legal Wife” at ang Mano Po 6 ni Sharon Cuneta.
Ang kilala naman niyang Regal baby noon ay si Gabby Concepcion at nakapanood na rin siya ng ilang Regal Shockers.
Sa contract signing ni Richard, natanong siya kung makaka-relate ba siya sa story ng Chinoy?
“Yes, ngayon pa lang nakikita ko na ang Chinese family ko rito,” sagot niya. “Naging open naman ako noon pa na tinanggal ako ng family ko nang magpakasal ako sa isang Pinay. Hindi ako pumayag sa fixed marriage na tradisyon ng aming pamilya. Kaya tinanggal nila ako, inalis din nila ako sa family business namin. Hindi lang siguro ito na-pick-up noon, pero tiyak na makakatulong ito sa pagganap ko sa role na ibinigay nila sa akin.”
Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin nakakauwi ang family niya – may dalawang anak sila – sa kanyang mga magulang?
“Simula nang magsilang ang wife ko ng baby boy, nabago na ang pagtingin nila sa amin kasi ang anak ko lamang ang lalaki sa mga apo na siyang magdadala ng surname na Yap. Pero hindi na rin ako bumalik sa family business namin.
Nagtayo na ako ng sarili kong business at napasok nga ako sa showbiz. Pero hindi na ito nakita ng mother ko, nawala siya noong 2010 at nagsimula naman ako sa showbiz ng 2011.”
Proud sina Mother Lily at Roselle na tinanggap ni Richard ang offer nila matapos ang maayos na pagpapaalam nito sa Star Cinema.
Ayon kay Roselle, nakaplano na itong isali sa coming Metro Manila Film Festival (MMFF) sa December. Since finished product na ang movies na isa-submit sa screening committe, ngayong July ay magsisimula na silang mag-shooting dito at sa August naman sila magsu-shooting sa China. Nagpasalamat sila na sa halip na sa September 30 isa-submit ang finished product, ini-extend na ito ng MMFF Executive Committee ng October 31, 2016, kaya mas may oras silang tapusin ito for submission.
Natawa si Richard nang tanungin kung papayag siyang may love scene sa story, as husband ng gaganap na wife niyang si Jean Garcia? Para kasing napaka-wholesome ng lahat ng roles na nagawa niya. Ikinuwento pa lamang daw sa kanya ang story, wala pa ang script, kaya hindi pa niya alam ang kung may love scene. Pero kung kailangan talaga, hindi na naman daw siya bata. Napangiti pa si Richard at inaming crush niya noon si Jean.
Hindi pa buo ang cast, sabi ni Mother Lily dahil hinihintay pa nila ng sagot ng mga artistang kinausap nila. Pero ang movie ay ididirek ni Ian Lorenas mula sa script ni Senedy Que. (NORA CALDERON)