NAGING makahulugan at natatanging araw sa Rizal ang ika-29 ng Hunyo sapagkat sa araw na ito pormal na itinalaga ang mga opisyal mula sa pagka-governor, vice governor, congressmen, provincial, board member, mayor, vice mayor at mga konsehal. Idinaos ang makasaysayang pangyayari sa Ynares Center sa Antipolo.

Ang pagdiriwang ay sinimulan sa panalangin na pinangunahan ni Monsignor Rigoberto de Guzman, ng Diocese ng Antipolo.

Sa bahagi ng kanyang panalangin ay hiniling sa mapagmahal na Ama ang pagpapala at gabay para sa Pilipinas. At patnubay naman para sa mga opisyal sa buong lalawigan ng Rizal. Panauhing tagapagsalita si dating Rizal congressman Dr. Bibit Duavit na nagsabing dapat ipagpatuloy ang mga programa, lalo na sa edukasyon at kalusugan.

Matapos ang bating pagtanggap ni outgoing Vice Gov. Frisco Popoy San Juan, Jr., ang unang nanumpa sa tungkulin ay si re-elected Rizal Gov. Nini Ynares. Makasaysayan ang panunumpa ni Gov. Ynares sapagkat ang punong tagapanumpa ay ang kanyang anak na si Antipolo City Mayor Jun Ynares lll. Sa bahagi ng mensahe ni Rizal Gov. Nini Ynares, sinabi niya na: “Nais kong pasalamatan ang ika-27 Sanggunian Panlalawigan sa buong suporta sa nakaraang tatlong taon, ang mga punong-bayan, punong-lungsod ng Antipolo kasama ang Sanggunian Bayan at Sanggunian Panglungsod, mga barangay chairman at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa pakikiisa at suporta kaya nagawa ang mga programa sa Rizal.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ayon pa kay Gov. Ynares: “Ako at ang aking pamilya ay labis ang pasasalamat sa inyong pagtitiwala na ibinigay sa akin na muling makagpaglingkod bilang punong- lalawigan sa darating na tatlong taon. Makaaasa kayo na ang pagtitiwalang ito ay susuklian ko ng ibayong sipag at matapat na paglilingkod sa ating minamahal na lalawigan.”

“Sa tanging layunin na maibigay ang higit na kaunlaran sa nakahihigit na bilang ng ating mga mamamayan at walang pangiming pagsunod sa Dakilang Diyos na nagtatakda ng bawat bagay dito sa mundo, nawa ang pagsasama-sama nating ito ay magsilbing pagdiriwang ng buhay at panalangin para sa sapat na karunungan at gabay tungo sa ating sama-samang tagumpay. Maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga Rizalenyo sa pagtutulung-tulong. At bigyang-pansin ang YES (Ynares Eco System) progam sapagkat walang silbi ang lahat na makakamit na tagumpay kung manganganib naman ang buhay ng ating mga mamamayan.”

Ang apat na Kinatawan sa Kongreso na sina Rep. Michael Jack Duavit, Rep. Jun Rodriguez , ng una at ikalawang distrito ng Rizal; Rep. Chiqui Roa Puno at Rep. Romeo Acop, ng una at ikalawang distrito ng Antipolo ay nanumpa at itinalaga rin sa tungkulin, gayundin ang mga mayor sa Rizal. Ang punong-tagapanumpa nila ay si Rizal Gov. Ynares. Habang si Vice Gov. Dr. Jun Rey, San Juan at mga provincial board member ay nanumpa kay Provincial Prosecutor Raymond Jonathan Lledo. Ang naging punong-tagapanumpa naman sa mga vice mayor at konsehal ay Rizal Vice Gov. Dr. Jun Rey San Juan. Ang pasinaya at pagtatalaga sa tungkulin ng mga opisiyal sa Rizal ay dinaluhan din ng kanilang pamilya at mga kaibigan.

(Clemen Bautista)