Dapat bigyan ng posisyon sa gobyerno si Vice President Leni Robredo.
Ito ang iginiit ni Sen. Panfilo Lacson kay Pangulong Rodrigo Duterte na ilang beses tumangging bigyan ang pangalawang pinakamataas na opisyal sa bansa ng puwesto sa gobyerno, tulad ng nakaugalian sa mga nakaraang administrasyon.
Si Robredo ay tumakbo sa ilalim ng Liberal Party (LP) na pinamumunuan ni dating Pangulong Benigno Aquino habang si Duterte ay kaalyado sa pulitika si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na naging katunggali at tinalo ng dating kongresista ng Camarines Sur sa katatapos na halalan.
Iginiit ni Lacson na mas praktikal kung bibigyan si Robredo ng posisyon sa gobyerno sa halip na kagatin ang mga mungkahi na maglaan ng karagdagang budget sa Office of the Vice President upang magampanan ni VP Leni ang kanyang trabaho.
‘’It would be better if she’s given a post that can make use of her talent and motivation to help President Duterte’s administration fulfill their promise to the people. I have no doubt that VP Leni’s heart is in the right place in this regard,” paliwanag ng senador.
Una nang inahayag ni Robredo na plano niyang ipursige ang mga anti-poverty at pro-women program kahit pa hindi siya mabiyayaan ng puwesto sa Gabinete.
Hindi rin, aniya, paborable sa gobyerno ang taasan ang budget ng OVP dahil mayroon nang mga ahensiya ng gobyerno na may misyon na tulungan ang mga nais tulungan ni Robredo.
Ang mga ito ay Department of Labor and Employment (DoLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD), ayon kay Lacson.
“I don’t think that (increasing the OVP’s budget) is practical because there are national government agencies already in place like the DSWD, DoLE, etc., that are in charge of dispensing assistance to what seems to be the same thrust of VP Robredo,” giit ni Lacson. (MARIO B. CASAYURAN)