ITINALAGA sa tungkulin nitong nakaraang Huwebes sa magkaibang lugar at oras ang dalawang pinakamataas na pinuno ng bansa. Sa Malacañang idinaos ni Pangulong Duterte ang kanyang panunumpa sa tungkulin, samantalang si VP Leni ay nanumpa sa Executive House, Quezon City. Pareho silang humihiling ng pakikiisa ng mamamayan sa kanilang maigsing talumpati dahil hindi rin naman daw sila magtatagumpay sa hangarin nilang maiangat ang bansa. Hindi kaya sila mismo ang dapat magpakita ng pagkakaisa?

Hindi maganda ang mensaheng ipinakita nang magkahiwalay na panunumpa nina Pangulong Digong at VP Leni. Lumabas kaagad dito ang hindi pagkakaunawaan ng dalawa. Narinig natin sa Pangulo na kaya niya hindi mahirang si VP Leni kahit sa anumang posisyon sa pamahalaan ay dahil kaibigan niya si Sen. Bongbong Marcos.

Si Marcos ay tinalo ni Leni sa pagka-bise presidente. Ngayon nga ay nagsampa ng protesta ang dating senador sa paniniwalang siya ang nanalo at dinaya lamang siya sa halalan. Maging ang Pangulo ay naniniwala na may nangyaring dayaan. Kaya sa kanyang panunumpa, ang dating Senador at ang kapatid niyang si Ilocos Norte Governor Imee Marcos ang ilan sa kanyang mga panauhin.

Pero, naging bahagi ng programa sa panunumpa ng Pangulo ay ang pagbasa sa resolusyon ng Senado at Kamara bilang National Board of Canvassers kaugnay sa naging resulta ng pagbibilang nito ng mga boto. Nang basahin ito ni Senate President Franklin Drilon, hindi lamang si Pangulong Digong ang binanggit na nagwagi sa halalan kundi pati rin si VP Leni. Hindi kaya naging makulay din ang programa kung naroroon din si VP Leni kahit lumabas na naging saksi lang siya tulad ng iba sa panunumpa ng Pangulo?

Hanggang hindi napagdedesisyunan ang protesta ni dating Sen. Bongbong na siya’y nagwagi, bise presidente pa rin si Leni at siya ang katuwang ng Pangulo sa pagpapatakbo ng gobyerno. Iba kung siya ang kasama dahil dala rin niya ang mandato ng bayan.

Hindi naman magbabago ang paniniwala ng Pangulo na nagkaroon ng dayaan noong nakaraang halalan at kaibigan niya si Bongbong kung si VP Leni ay kasama niya sa kanyang panunumpa. Ang dapat na isinaalang-alang ng Pangulo ay nasa likod ni VP Leni ang mga militanteng nagprotesta kasabay ng kanyang panunumpa at pinapasok niya at kinausap ang mga ito sa Malacañang. Dibdiban kasi ang pangangampanya ng mga ito para kay Leni at laban kay Bongbong dahil sila ay naging biktima ng kanyang ama ng paglabag sa karapatang pantao o kaya’y nabatid nila ang ginawa nito. (Ric Valmonte)